Calendar
Kagawad hiningan ng rehistro sa motorsiklo, shabu sa wallet nabisto
ARESTADO ang barangay kagawad ng mabisto ng mga pulis ang iniingatang shabu sa wallet noong Biyernes sa Caloocan City.
Namutla si alyas Ver, kagawad ng Brgy 11, nang malantad sa paningin ng mga pulis ang plastic sachet na naglalaman ng shabu sa kanyang pitaka habang hinahanap ang kanyang lisensya sa pagmamaneho.
Sa ulat kay Northern Police District (NPD) director P/BGen. Christopher Dela Cruz, pinahinto sa checkpoint dakong alas-4:40 ng hapon si alyas Ver sa service road ng North Diversion Road, Brgy. 155 upang suriin ang rehistro ng motorsiklo at lisensya sa pagmamaneho.
Nakita ni P/Cpl. Joclark Cea na lumantad ang sachet na naglalaman ng 0.6 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P4,080 kaya inaresto ang kagawad.
Isinailalim sa imbentaryo ng pulisya ang nakumpiskang shabu sa suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002).

