Timbog

Mister nagpaputok ng baril habang ka-LQ asawa, dinakip

Edd Reyes May 2, 2026
16 Views

DINAKIP ng pulisya ag 42-anyos na kelot nang magpaputok ng baril sa gitna ng pagbabangayan nila ng kanyang live-in partner Sabado ng madaling araw sa Caloocan City.

Nakumpiska ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth kay alyas “Popoy” ang hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na kargado pa ng basyo ng bala nang puntahan sa kanilang tirahan sa Grace Park West, Brgy. 64.

Sa tinanggap na ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, dakong ala-1:07 ng madaling araw nang magresponde ang mga barangay tanod sa ingay na likha ng pagbabangayan ng suspek at kinakasamang si alyas “Jovy”.

Nang matunugan ng suspek ang pagresponde ng mga tanod, kinuha nito ang kanyang baril at walang habas na nagpaputok na dahilan para humingi na ng tulong ang barangay sa mga tauhan ng Police Sub-Station-3 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Kasong Illegal Discharge of Firearm at paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang isasampa ng mga pulis laban sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.