Lorna

Lolit binuking na ‘nilalandi’ ni Sen. Lapid si LT

Vinia Vivar Oct 27, 2024
81 Views

Tinatawanan na lang ni Lorna Tolentino ang pambubuking ng manager niyang si Lolit Solis tungkol sa tunay na estado ng relasyon nila ni Sen. Lito Lapid.

Magkasama sina LT at LL sa “FPJ’s Batang Quiapo” kung saan nga nabuo ang PriManda loveteam na hit na hit sa mga manonood.

Primo at Amanda ang pangalan ng mga karakter nina Sen. Lito at Lorna, respectively sa “BQ.”

Matatandaang ibinuking ni ‘Nay Lolit ilang buwan na ang nakararaan na nanliligaw si Sen. Lito kay Lorna.

Dumating si LT sa grand launching ng mga bagong endorser ng Belle Dolls by Beautederm at dito ay nakorner ng press ang Grand Slam Queen tungkol sa real score sa kanila ni LL.

“Ay, naku, ewan ko kay ‘Nay Lolit!” natatawang sabi ni LT. “Hayaan na natin ang nanay ko, ‘no! Alam mo naman ‘yung nanay ko, hayaan na natin.”

Kahit pa nga maraming kinikilig sa loveteam nila at marami ang nagwi-wish na maging sila in real life, ayon sa aktres ay hindi ito pwedeng mangyari.

“Alam naman nating hindi pwede ‘yun. Okay?” aniya.

“Para lang sa loveteam talaga,” paglilinaw pa niya.

Asked kung ano ang sabi ni Sen. Lito sa kanilang pagkaka-link, ani LT, “Okay lang naman po, magkumpare naman kami, magkaibigan, wala namang problema.”

Pero ayon sa aktres ay natutuwa siya na tinatanggap ng mga tao ang PriManda loveteam at ikinukumpara pa sa ibang sikat na young loveteams.

Natanong din ang aktres kung ano ang masasabi niya na tutol si ‘Nay Lolit na maging sila ni LL at pakli ng aktres, “Okay lang din kung ayaw niya. Hindi naman siya ‘yung involved.”

Aminado siyang nakaka-bagets din for her na at her age ay may ka-loveteam pa siya na inili-link sa kanya.

“Nakaka-bagets ‘yun. Nakaka-bagets na mayroon pang mga ganyan at nabubuhayan ng loob ang mga senior citizens,” sey niya.

So, parang tinutuldukan na niya na hindi sila pwedeng magkaroon ng relasyon ni LL?

“Hindi ko naman tinutuldukan, wala naman akong sinabi,” biglang bawi ni Lorna.

Dagdag pa niya, ang sinasabi niya ay sa ngayon.

“Sa ngayon. Hindi mo masasabi ‘yung future.”

Biglang dumating si ‘Nay Lolit habang kausap namin si LT kaya siya ang binalingan ng press. Pero pinanindigan niyang talagang ‘nilalandi’ umano ni Sen. Lito si LT.

“Alam mo ‘yang si LT, nang pinagalitan ko, ang sagot sa ‘kin, ‘hayaan mo na para may kilig-kilig ako.’ Heh, pwede ka namang kiligin sa iba, ‘wag lang diyan, ‘no!” sey ni ‘Nay Lolit.

Lumayo na si LT at ayaw nang marinig pa ang sinasabi ng kanyang manager.

“Ayoko na!” pabirong sigaw ng aktres.

Hahaha!

Samantala, isa si LT sa long-time endorsers ng Beautederm at suportado niya ang mga bagong ambassador ng Belle Dolls healthy drink na sina Miguel Tanfelix, Ysabel Ortega, Sofia Pablo at Shaira Diaz.