Calendar
Lolo, 79, lola, 67, nag live-in ng higit 30 taon, ikinasal sa city hall

MATAPOS ang mahigit tatlong dekadang pagsasama, tuluyang naikasal ang 79-anyos na lolo sa kanyang 67-anyos na live-in partner Miyerkules ng umaga sa Manila City Hall.
Mismong si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang nagkasal kina Manuel Delos Santos at Mae Jean Baladlang na ginanap sa Bulwagang Villegas na hudyat ng madamdaming pagsisimula ng buwan ng mga puso na nagpapatunay na hindi pa huli ang katapatan at pagmamahal nila sa isa’t isa.
Sa kabila ng mga dinanas na hamon ng buhay sa loob ng 32 pagsasama at pag-aaruga sa anim na apo, nalagpasan ito ng dalawa na humantong pa sa tuluyang pag-iisang dibdib na sinaksihan ng mga kawani ng City Hall.
Ayon kay Baladlang, ito na ang pangwakas na katuparan na kanyang pinangarap sa buhay matapos ang mahabang panahon nilang pagsasama ng asawa.
“For 32 years na nagsasama kami, ngayon lang kasi naging maayos ang mga documents namin. Sa 32 years na pagsasama namin, dito ko napatunayan at nahanap ‘yung tunay kong pag-ibig—’yung tunay na hinihintay ko, ‘yung totoong nagmahal sa akin. Kaya ito na po ‘yung katuparan ko at salamat po,” pahayag ni Baladiang.
Sinabi naman ng alkalde na nawa’y magsilbing aral sa publiko ang istorya ng buhay ng mga bagong kasal na magkatuwang na nilagpasan ang malaking hamon ng buhay.
“I hope kapulutan ng aral ang pagsasama ninyo na kahit na sa ganitong edad ay kinikilala niyo pa rin ang kahalagahan ng kasal. Bilang institusyon, bilang indibidwal, bilang Ama ng Maynila, walang huli sa pag-ibig at asawa hanggang dulo,” pangaral pa ng alkalde.

