Calendar
9 SUGATAN SA PAG-ARARO NG PAMPASAHERONG BUS SA TAFT AVENUE





NAGMISTULANG pelikula ang naganap na aksidente kung saan inararo ng isang pampasaherong bus ang mga sasakyan sa may Taft Avenue corner Pedro Gil Street, Ermita, Manila, gabi ng Martes at nadamay ang limang motorsiklo, tatlong multi-purpose vehicle at isang van.
Base sa kuha ng CCTV ng Barangay 669, bandang alas-9:35 ng gabi sa bahagi ng Pedro Gil Street ay nakahinto ang mga sasakyan sa may southbound lane ng Taft Avenue dahil sa traffic light nang biglang sumulpot at araruhin ng pampasaherong bus ang mga sasakyan.
Napatakbo naman ang ilang mga taong tumatawid sa nasabing lugar.
Ayon sa ilang mga nakasaksi, bago ang aksidente nakita nila na mabilis ang takbo ng bus hanggang sa mawalan ng kontrol at mabangga nito ang bahagi ng center island ng Taft Avenue na malapit sa poste ng Light Rail Transit (LRT), bago nagtuloy-tuloy sa mga nasabing sasakyan.
Nasa siyam na tao ang napaulat na nasaktan sa nasabing aksidente at dinala sa iba’t ibang ospital.
Rumesponde agad ang mga kagawad ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office Medical Response Team at Operations Team, kaagapay rin ang Bureau of Fire Protection-EMS, at nilapatan ng paunang lunas ang mga nasaktan sa aksidente.
Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng Manila District Traffic Enforcement Unit at inaalam pa ang mga pagkakakilanlan ng mga biktima at ang kabuuang halaga ng pinsala sa nasabing disgrasya.

