Calendar
Screen grab mula sa FB video post ni RJ Vivs
MTPB pumalag viral clamp video
PUMALAG ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa nag-viral na video sa social media kaugnay sa ginawang pag-clamp ng kanilang tauhan sa mga nakaparadang motorsiklo sa harap ng isang motorcycle dealer sa Tondo, Maynila.
Ayon kay MTPB Director Dennis Viaje, nagsagawa ng citywide operation ang kanyang mga tauhan laban sa mga obstruction sa kalsada at bangketa Martes ng umaga nang madaanan nila ang mga nakaparadang motorsiklo sa bangketa sa harap ng isang sangay ng Honda motorcycle dealer.
Nang hanapan ng probational parking permit ang tindahan, paso o expired na ang ipinakitang permiso noon pang 2022 kaya’t na-clamp ang lahat ng mga nakaparadang motorsiklo.
Ilang minuto matapos mai-clamp ang mga motorsiklo, lumabas ang manager ng naturang establisimiento at ipinakita ang kanilang permit na may expiration date na February 28, 2026 na dahilan upang tanggalin na ang pagkaka-clamp.
Dito na kinuhanan ng video ang mga tauhan ng MTPB. Ibinintang din sa kanila ang gasgas ng mags ng gulong.
Sinabi ni Viaje na bagama’t may pananagutan sila kung may nasira o nagasgas sa motorsiklo nang dahil sa pag-clamp, kailangan aniyang patunayan ito ng may-ari at kung gaano na katagal ang motorsiklo para sabihing walang gasgas ang gulong.

