Calendar

Lolo arestado sa pag-abuso sa apo, 12, pamangkin, 14
ISANG 32-anyos na lalaki na inakusahan ng panggagahasa sa sarili niyang menor de edad na apo at pamangkin ang naaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ngayong linggo, ayon kay PNP-CIDG Director Major Gen. Nicolas D. Torre III nitong Sabado.
Ang suspek, na kinilala lamang sa alyas na “Rommel,” ay natunton noong Lunes sa kanyang pinagtataguan sa Barangay Cuayan, Angeles City, Pampanga, ng mga miyembro ng CIDG Angeles City Field Unit at lokal na pulisya, ayon sa opisyal.
Sinabi ni Torre na inaresto si Rommel batay sa mga warrant of arrest para sa limang bilang ng statutory rape, qualified sexual assault, rape at paglabag sa Republic Act No. 7610 o ang Anti-Child Abuse Law. Inisyu ito ng San Jose, Camarines Sur Regional Trial Court noong Nobyembre 29, 2024.
Si Rommel ay kabilang sa listahan ng ika-4 na Regional Most Wanted Person sa Bicol Region. Walang piyansang inirekomenda para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Base sa imbestigasyon ng PNP-CIDG, noong Enero 31 ng nakaraang taon ay ginahasa umano ng suspek ang kanyang 14-anyos na pamangkin sa loob ng kanyang bahay sa Sagñay, Camarines Sur.
Pagkatapos ng pang-aabuso, tinakot umano niya ang biktima na papatayin ito kapag nagsumbong sa magulang o sa kahit na sino.
Inakusahan din si Rommel ng paulit-ulit na panggagahasa sa sarili niyang 12-anyos na apo sa parehong lugar noong Marso, Abril, Mayo at Hunyo ng parehong taon. Tulad ng naunang kaso, tinakot rin umano niya ang bata matapos ang bawat insidente.
Parehong labis na na-trauma ang dalawang menor de edad sa sinapit nila sa kamay ng kanilang sariling kamag-anak.
Noong Hunyo 7, 2024, naglakas-loob na ang 12-anyos na bata na isumbong sa kanyang ina ang ginawang pang-aabuso sa kanya. Agad silang nagtungo sa Sagñay Municipal Police Station upang magsampa ng kaso laban sa suspek.
Ayon kay Torre, matapos matanggap ang reklamo, agad na tumakas sa probinsiya ang suspek upang umiwas sa pagkakakulong at nagtago sa Angeles City, hanggang sa nakatanggap ng tip ang lokal na tanggapan ng CIDG ukol sa kanyang kinaroroonan at isinagawa ang pag-aresto.
“I commend the CIDG Angeles City Field Unit for capturing this suspect. We cannot allow suspects of rape, most especially this qualified rape of minors, to roam around freely, like lurking predators waiting for their preys. With his arrest we helped the minor victims and their families attain the justice they deserved,” pahayag ni Torre.