Calendar
NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc
Kuha ni JOSEPH MUEGO
Lotoc: Security agencies itinuring na usapin ng pambansang seguridad mga pahayag ni VP Sara
ITINURING ng mga ahensyang pangseguridad ang mga bantang pagpaslang ni VP Sara laban kay PBBM bilang seryoso at usapin ng pambansang seguridad – opisyal ng NBI
SINABI sa Senado na nagsisilbing impeachment court noong Lunes na itinuring ng mga ahensyang pangseguridad ng bansa na seryoso at isang usapin ng pambansang seguridad ang mga bantang pagpaslang ni Bise Presidente Sara Z. Duterte laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Inilahad ni Abogado Jeremy Lotoc, regional director ng National Bureau of Investigation (NBI), sa harap ng mga senador-hukom ang resulta ng imbestigasyon ng kanyang grupo kaugnay ng mga bantang binitiwan ng Bise Presidente sa isang online news conference noong Nobyembre 23, 2024.
Bukod kay Pangulong Marcos, nagbanta rin ang ikalawang pinakamataas na halal na opisyal ng bansa laban kay Unang Ginang Liza Araneta Marcos at noo’y Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, na ipapapatay umano ang mga ito sakaling siya mismo ay mapatay.
Sa pagtatanong ni prosecution counsel Amando Virgil Ligutan, sinabi ni Lotoc na sa isinagawang imbestigasyon ay napansin niya ang mga pahayag ng National Security Council (NSC), Philippine National Police (PNP), at Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagpapahayag ng kanilang pag-aalala sa mga sinabi ng Bise Presidente.
Binasa niya ang pahayag ng NSC: “Itinuturing ng National Security Council na seryoso ang lahat ng banta laban sa Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Anuman at lahat ng banta laban sa buhay ng Pangulo ay dapat beripikahin at ituring na isang usapin ng pambansang seguridad.”
Sinabi rin ng testigo na sa pahayag ng PNP ay binanggit ang isang mamamaslang (assassin) na ayon sa Bise Presidente ay kanyang inatasan upang isagawa ang mga bantang pagpaslang.
“Ginamit ng PNP ang terminong assassin,” ani Lotoc.
Binasa niya ang pahayag ng PNP: “Itinuturing ng Philippine National Police nang may pinakamataas na antas ng kaseryosohan ang anumang banta sa kaligtasan at seguridad ng Pangulo at ng lahat ng mga opisyal ng pamahalaan.
Kaugnay ng kamakailang mga pahayag ni Bise Presidente Sara Duterte, na tuwirang tumukoy sa isang mamamaslang (assassin) na umano’y inatasan upang targetin ang Pangulo, kinikilala ng PNP ang matinding bigat ng usaping ito.
Ang kaligtasan ng Pangulo ay isang pambansang usapin, at anumang direkta o hindi direktang banta sa kanyang buhay ay dapat tugunan nang may pinakamataas na antas ng agarang pagkilos.”
Samantala, sinabi ni Lotoc na naglabas din ng pahayag ang Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), si Gen. Romeo Brawner: “Ang Armed Forces of the Philippines ay isang propesyonal na organisasyong nakatuon sa mandato nitong pangalagaan ang mamamayan at ang estado. Ang aming mga tauhan ay tapat sa Konstitusyon at sa umiiral na chain of command.”

