Calendar
LPG sumabog sa Valenzuela; ama, 2 anak sugatan

TATLONG miyembro ng isang pamilya, kabilang ang isang ama at dalawang anak, ang nasugatan nang sumabog ang sumingaw nilang liquefied petroleum gas (LPG) sa loob ng inuupahang apartment sa Bgy. Bagbaguin, Valenzuela City.
Kaagad na isinugod sa Valenzuela Medical Center sina alyas “Rodolfo”, 70, dalawang anak na sina alyas “Ludivina”, 40, at alyas “Roderick” 44, na pawang magtamo ng mga lapnos sa mga kamay, paa at bahagi ng katawan.
Sa inisyal na ulat na natanggap ni Northern Police District (NPD) Director PBGen. Benliner Capili, dakong alas-9:13 Huwebes ng umaga nang gulantangin ng malakas na pagsabog ang mga residente ng Brgy. Bagbaguin na mula sa inuupahang apartment ng biktima sa 1378 B. St. na dahilan ng pagsiklab ng sunog.
Kaagad namang nakapagresponde ang Barangay Volunteer Fire Brigade at Valenzuela Bureau of Fire Protection (BFP) kaya’t naapula ang apoy dakong alas-9:43 ng umaga.
Wala namang ibang bahay na nadamay sa sunog bagama’t naabo ang mga gamit at ang inuupahang apartment ng mag-aama habang nabaklas din ang bakal na grill sa bintana ng kanilang kapitbahay at nasira ang ilang gamit sa eskinita dulot ng malakas na pagsabog.

