Lola

Nakaladkad ng delivery van, nailigtas

Edd Reyes Aug 28, 2026
147 Views

LIGTAS na ang 63-anyos na si alyas “Cora” matapos makaladkad ng delivery van dahil naoperahan na sa Philippine Orthopedic Center sa utos ni Mayor Wes Gatchalian.

Ipinalipat doon ang pasyente ni Mayor Gatchalian mula sa Valenzuela Medical Center kung saan una siyang isinugod noong Agosto 25.

Sa ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, dumaraan ang delivery van ng J&T Express na minamaneho ng 51-anyos na tsuper sa Gen. T. De Leon Street alas-6:49 ng umaga nang sumabit sa hulihang bumper ng van ang kable at pumulupot sa katawan ng biktima kaya’t nakaladkad siya at tumama ang katawan sa poste.

Nangako ang J&T na sasagutin ang gastusin sa operasyon ng biktima at nagpadala ng P200,000 at tiniyak din ng Meralco na magbibigay ng tulong.

Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in serious physical injuries ang drayber ng delivery van.