Calendar
Source: DOTr
LRT-2, MRT-3 fare discount laking ginhawa sa pasahero
IKINATUWA ng mga commuters ang ipinapatupad na 50% fare discount sa lahat ng pasahero ng LRT-2 at MRT-3 simula, March 23, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Ang malaking diskwento sa pamasahe ay bilang tugon ng Department of Transportation (DOTr) sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pagaanin ang araw-araw na biyahe ng mga pasahero sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Binigyang diin ni Transportation Secretary Banoy Lopez na ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang maibsan ang epekto ng oil crisis sa bansa.
“Tulad ng sinabi ng ating Pangulo, kailangan nating tulungan ang lahat ng mga apektado kabilang na ang mga komyuter. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng 50% fare discount, malaki ang matitipid ng ating mga pasahero, at magagamit pa nila sa iba pang pangangailangan yung matitipid nila sa pamasahe,” ayon sa Kalihim.
Para sa mga regular na pasahero, magagamit ang blue beep cards para sa automatic na 50% fare discount. Para naman sa mga walang beep cards, maaaring bumili ng single journey tickets na naka-50% discount din.
Nananatili namang epektibo ang 50% discount para sa white beep cards ng mga senior citizens, persons with disabilities (PWD), at mga estudyante.
Para kay Aling Pablita at Romeo, malaking bagay ang 50% fare discount para sa mga kagaya nilang komyuter na palaging sumasakay ng tren.
“Salamat kasi binibigyan kami ng opportunity na katulad nito at makakatulong sa mga mamamayan dahil mahal na ang mga bilihin ngayon at mahal na ang gasolina. So nagpapasalamat tayo sa pamahalaan sa mga ganitong program,” ayon kay Aling Pablita.
“Malaking bagay po ‘yun kasi 50% po ‘yun sa pang-araw araw na biyahe din. Bilangin mo nalang ang 50% na ma-discount mo, malaking bagay para sa amin na commuters,” ani Romeo

