Mendoza

LTFRB chair: Isumbong sa ‘min mga lumalabag sa patakaran na mga drivers

Jun I Legaspi Jun 12, 2026
146 Views

HINIKAYAT ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga pasahero na magsumbong laban sa mga driver ng pampasaherong sasakyan na lumalabag sa mga patakaran.

Nakita ni LTFRB Chairman Atty. Vigor Mendoza II habang nagko-commute sa Metro Manila noong Hunyo 11 ang pampasaherong sasakyan (NHD-1729) na tumangging magsakay ng mga pasahero.

Ayon kay Chairman Vigor, malinaw na paglabag ito sa Joint Administrative Order No. 2014-01 kaya pinadalhan ng Show Cause Order (SCO) ang operator ng naturang sasakyan.

“Hinihikayat ko ang ating mga kababayan na ireport agad ang mga ganitong insidente. Marami ang naglalakas-loob lumabag dahil walang nagsusumbong,” ani Chairman Vigor.

Malaking tulong ang mga reklamo ng publiko upang mapanagot ang mga lumalabag at matiyak na sumusunod sa batas ang mga operator at driver ng PUV, ayon sa LTFRB chief.

Binigyan ang operator ng limang araw upang magpaliwanag kung bakit hindi dapat kanselahin o bawiin ang kanyang Provisional Authority.

Nakatakda ang pagdinig sa kaso sa Hunyo 23.

Binigyang-diin din ng chairman ang mahalagang papel ng social media sa pag-uulat ng mga paglabag at tiniyak na agad na inaaksyunan ng LTFRB ang mga reklamong natatanggap nito sa pamamagitan ng email, social media accounts at LTFRB Hotline 1342.