Calendar
Nakisalo si Speaker Dy kay Pangulong Marcos sa paggunita ng ika-128 Araw ng Kalayaan
NAKISALO si Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III nitong Biyernes kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan sa paggunita ng ika-128 anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas sa mga seremonyang ginanap sa Quirino Grandstand sa Maynila.
Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang tradisyunal na mga aktibidad para sa Araw ng Kalayaan, kabilang ang pagtataas ng watawat, pag-aalay ng bulaklak sa Bantayog ni Rizal, at ang “Parada ng Kalayaan.” Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “Ang Kalayaang Pinapangarap.”
Kasama ni Speaker Dy si Pangulong Marcos, Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, Acting Senate President Sherwin Gatchalian, at Alkalde ng Maynila na si Isko Moreno habang libu-libong Pilipino ang nagtipon upang parangalan ang kalayaang ipinaglaban ng bansa at pagnilayan ang mga kaakibat nitong pananagutan.
Sa kanyang mensahe para sa Araw ng Kalayaan, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng walang pag-iimbot na pamumuno at paglilingkod sa bayan.
“Ang tunay na lider ay yaong isinasantabi ang sariling interes para sa kapakanan ng mamamayan,” ani ng Pangulo.
Samantala, sinabi ni Dy na hindi pa ganap ang pangako ng kalayaan kung hindi ito nararamdaman ng lahat ng Pilipino.
“Ang kalayaan ay dapat laging kaakibat ng pag-unlad. Hindi sapat na tayo ay malaya kung marami pa rin ang hindi nabibigyan ng pagkakataon na maging bahagi ng pag-unlad,” pahayag ng Speaker.
Ayon kay Dy, ang kalayaan ay hindi lamang pag-alala sa pakikibaka ng bansa para sa sariling pamamahala kundi pati na rin ang pagtatayo ng isang mas inklusibo at mas maunlad na kinabukasan.
Dagdag pa ng Speaker, nagiging mas makabuluhan ang kalayaan kapag nagbubukas ito ng mga oportunidad para sa karaniwang Pilipino.
“Ang kalayaan ay may mas malalim na kahulugan kapag ito ay nagbubukas ng oportunidad para sa bawat Pilipino na magkaroon ng disenteng trabaho, dekalidad na edukasyon, at mas magandang kinabukasan para sa kanilang pamilya.”

