Mendoza

LTFRB, DOTr bagong pag-asa ng transport sector

Jun I Legaspi Oct 13, 2025
307 Views

ANG Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa pamumuno ni Atty. Vigor D. Mendoza II at sa gabay ni Acting Secretary Giovanni Lopez Lopez ng Department of Transportation (DOTr), ay naging bagong pag-asa para sa mga grupo ng transportasyon na matagal nang nagpapahayag ng kanilang hinaing sa kakulangan ng pang-unawa ng pamahalaan sa kanilang araw-araw na hirap.

Personal na nagtungo si Chairman Mendoza sa kilos-protesta ng grupong Manibela noong Lunes, Oktubre 13, sa Lungsod Quezon, kung saan ipinangako niyang ipararating ang kanilang mga saloobin kay Secretary Lopez.

“Malapit si Secretary Lopez sa sektor ng transportasyon at makikita ito sa kanyang kautusan na mag-commute ang mga matataas na opisyal ng DOTr upang maranasan ang saloobin hindi lamang ng mga commuter kundi pati na rin ng mga drayber,” ani Chairman Mendoza.

Dagdag pa niya, “Ipapaabot po natin ang inyong hinaing sa ating Secretary Lopez upang tingnan kung paano makatutulong ang ating pamahalaan sa pamamagitan ng DOTr at LTFRB,” na siyang ikinatuwa ng mga nagpoprotestang drayber at operator.

Ayon kay Chairman Mendoza, ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na magbigay ng tulong upang mapagaan ang pasanin ng mga commuter at ng sektor ng pampublikong transportasyon.

Bilang dating bahagi ng sektor ng transportasyon, sinabi ni Chairman Mendoza na nauunawaan niya ang mga suliranin ng mga operator at drayber ng jeepney, lalo na ang kanilang araw-araw na pakikibaka upang kumita.

Mula sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo hanggang sa gastusin sa maintenance, kadalasang kakaunti na lamang ang naiuuwi ng mga drayber para sa kanilang pamilya.

Ngunit iginiit niyang ayaw ng mga PUV driver na masangkot sa anumang aksidente sa kalsada o lumabag sa mga batas-trapiko, sapagkat ang anumang multa ay dagdag na pasanin sa kanila.

“Magkakaisa tayo sa layunin para sa kaligtasan sa kalsada. Ang kulang na bahagi ay kung paano makapagbibigay ng tulong ang pambansang pamahalaan upang makapagtrabaho nang maayos ang ating mga PUV driver at makauwi ng sapat na kita para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya,” ani Asec. Mendoza.