Calendar
SOURCE: FB
3 batang magkakapatid na tulog, patay sa sunog
HINDI na naisalba ang buhay ng tatlong magkakapatid na menor de-edad nang sumiklab ang sunog sa unang palapag ng inuupahan nilang bahay sa Quezon City umaga ng Martes.
Ayon kay Bureau of Fire Protection (BFP) Director Jesus Piedad Fernandez, natagpuan ang labi ng magkakapatid na sina alyas Matthew, 10; Zach, 7; at Zarah, 5, sa ikalawang palapag ng inuupahang bahay sa P. Florentino Street, Barangay Sto. Domingo, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon, bandang 11:03 ng Oktubre 14 nang magsimula ang sunog sa unang palapag ng tahanan ng mga biktima na noon ay natutulog umano.
Sinabi naman ng nanay ng bata, kasama ang kaniyang mister ay nagtungo siya sa Fabella Hospital sa Maynila upang asikasuhin ang medical examination ng kaniyang ina na may sakit.
Giit niya, natutulog ang kaniyang mga anak sa ikalawang palapag ng kanilang tahanan at hindi naman umano niya naisip na magkakaroon ng sunog.
Pawang nakalabas naman sa kanilang tahanan ang iba pang residente sa nasusunog na gusali na pag-aari umano ng Mitra family.
Naapula ang sunog alas-12:18 ng tanghali kung saan 15 kabahayan ang natupok.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng BFP sa sanhi ng sunog.

