Calendar
Inihayag ni NBI Director Jaime Santiago ang ginawang pag-aresto ng mga ahente ng NBI sa tatlong suspek.
NBI timbog Japanese nat’l, kasabwat dahil sa pananakot
INARESTO ng National Bureau of Investigation-Cavite North District Office (NBI-CAVIDO North) ang isang Japanese national kasama ang kanyang mga kasabwat umano dahil sa grave threats.
Nag-ugat ang operasyon sa reklamong inihain ng dalawang Japanese national laban sa Japanese national.
Kinuha umano ng suspek ang serbisyo ng nagrereklamo, isang kontratista, para sa pagsasaayos ng coffee shop sa halagang P4,728,000.
Ngunit nalaman ng complainant na ang coffee shop ay pag-aari ng dalawang kasabwat umano ng dayuhan. Pinagpatuloy ng kontratista ang proyekto at nakatanggap ng P3,309,000 sa kanyang serbisyo.
Nahinto ang proyekto nang hindi na ito mapondohan ng Japanese national.
Nakipagpulong ang Japanese national at ang kanyang umano’y kasabwat sa mga nagrereklamo dahil sa naantalang proyekto.
Ang nagreklamo ay tinakot umano na magbayad ng parusa sa naantalang proyekto kundi ay ipapaaresto sila sa mga pulis.
Noong Oktubre 1, 2025, ang mga ahente ng NBI-CAVIDO North, kasama ang mga nagrereklamo, ay tumuloy sa napagkasunduang tagpuan sa isang establisyimento sa Lungsod ng Maynila para magbayad sa Japanese national at mga kasabwat umano nito.
Nang matanggap ang marked money, agad na nilapitan ng mga ahente ng NBI-CAVIDO North ang mga akusado.
Ang mga naarestong suspek ay iniharap para sa inquest proceedings sa Office of the City Prosecutor, Manila.
Pinapurihan ni NBI Director Judge Jaime B. Santiago (Ret.) ang mga ahente ng NBI-CAVIDO North sa kanilang matagumpay na operasyon.

