Calendar
Suporta ni Mayor Isko nagbigay inspirasyon sa pulis Maynila
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy na itaas ang antas ng kapakanan at morale ng kapulisan, taos-pusong pinasasalamatan ng Philippine National Police ang pahayag ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno hinggil sa pagpapalabas ng assistance para sa mga tauhan ng Manila Police District (MPD) na sumasaklaw sa mga buwan ng Hulyo hanggang Setyembre 2024.
Ang naturang tulong ay nakalaan para sa operational expenses para mas mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lungsod.
Ayon kay Acting PNP chief, Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., simbolo ito ng matatag na pagtutulungan ng Maynila at ng PNP.
“Ang tulong na ito mula kay Mayor Isko Moreno ay patunay ng kanyang malasakit at pagpapahalaga sa sakripisyo ng ating mga pulis. Mas pinatatag nito ang aming hangaring maglingkod nang tapat at mahusay sa mga taga-Maynila,” ayon sa Hepe ng Pambansang Pulisya.
Binigyang-diin naman ni PNP spokesperson, Brigadier Gen. Randulf T. Tuaño na ang hakbanging ito ay kaayon ng PNP Focus Agenda partikular sa aspeto ng Morale and Welfare of Personnel ng buong kapulisan.
“Ang patuloy na tiwala at suporta ng ating mga lokal na lider tulad ni Mayor Moreno ay hindi lamang nagpapalakas ng aming kakayahan sa operasyon, kundi higit na nagbibigay inspirasyon sa mga pulis na buong pusong naglilingkod para sa kapayapaan at kaunlaran ng ating mga komunidad,” ayon sa opisyal.
Muli ding pinagtitibay ng PNP ang buong pagtutok nito sa adhikain ni Pangulong Marcos Jr. para sa isang Bagong Pilipinas — isang bansang nakasandig sa disiplina, tapat na paglilingkod, at matatag na ugnayan ng pamahalaan at mamamayang Pilipino.

