LTFRB pinabibilis pagproseso ng special permit para sa Undas

Jun I Legaspi Oct 3, 2026
18 Views

PINABIBILIS ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagproseso ng mga aplikasyon para sa special permit ngayong Undas, ayon kay acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua Jr.

Nakatanggap na ang LTFRB ng 356 aplikasyon na sumasaklaw sa 1,003 bus units para sa iba’t-ibang ruta sa bansa.

Mas mataas ito kumpara sa 323 aplikasyon para sa 847 units noong Undas 2025.

Ayon sa LTFRB, indikasyon ng inaasahang pagdami ng mga biyaherong uuwi sa kanilang mga probinsya upang gunitain ang Undas ang mataas na aplikasyon para sa special permit.

“Sinusuri natin ang lahat ng datos upang matukoy ang sapat na bilang ng mga bus na bibigyan ng special permit,” ani Pua.

Binigyang-diin ni Pua na sasailalim sa pagsusuri ang mga bus bago mabigyan ng special permit upang matiyak ang kanilang roadworthiness at kaligtasan ng mga pasahero.

Inaatasan din ang mga bus company at transport operator na tiyaking nasa maayos na pisikal at mental na kondisyon ang kanilang mga driver. Maaaring mapanagot ang mga operator sa reckless driving ng kanilang mga driver.

Inatasan rin ni Pua ang mga tauhan ng Regional Franchising and Regulatory Offices (RFROs) na inspeksyunin ang mga bus terminal at tiyaking sumusunod ang mga operator sa mga pangunahing pasilidad para sa mga pasahero.

Noong nakaraang taon, ilang transport firm at may-ari ng mga establisyimento ang pinatawan ng parusa dahil sa pagpapatakbo ng mga hindi maayos at dilapidated na terminal.

“Hinihiling natin sa mga operator na tuparin ang kanilang mga commitment nang sila ay nag-aplay, hindi lamang para sa special permit kundi pati sa operasyon ng kanilang mga terminal,” ani Pua.