Calendar
P590-M halaga ng bakuna, tinatayang nasayang noong 2025 — Gatchalian
TINATAYANG P590.3 milyong halaga ng mga bakuna para sa mga bata ang nasayang noong 2025, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian. Sa taon ding iyon, 65 porsyento lang ng mga bata ang kumpleto sa bakuna.
Inilatag ito ni Gatchalian kay Health Secretary Edwin Mercado sa pagdinig ng Senate Committee on Finance noong Setyembre 4 sa panukalang 2027 budget ng Department of Health (DOH) at mga kalakip nitong ahensya.
Nagmula ang tantiya sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), kung saan commissioner si Gatchalian. Kinuwenta ito ng komisyon gamit ang wastage benchmark ng DOH at ang halaga ng pagbili ng mga bakuna. Tantiya ito at hindi aktuwal na bilang ng mga expired o itinapong bakuna.
“Despite the increase in budget, nakikita namin na ‘yung coverage is only 65%,” wika ni Gatchalian kay Mercado.
Ayon sa EDCOM 2, umabot na sa P7.9 bilyon ang pondo ng National Immunization Program (NIP). Noong 2025, P4.93 bilyon o 62.41 porsyento nito ang inilaan sa pitong bakunang kailangan ng bata sa first 1,000 days o unang 1,000 araw ng buhay nito.
Halos doble ito ng P2.56 bilyong ginastos noong 2023.
Pero hindi gumalaw ang fully immunized child coverage. Nanatili ito sa 60 hanggang 65 porsyento sa nakalipas na limang taon. Ayon sa komisyon, halos 35 porsyento ng mga sanggol ang walang proteksyon laban sa mga sakit na naiiwasan sana ng bakuna.
Batay sa benchmark, tinatayang P254.5 milyon ang nasayang sa bakuna laban sa measles, mumps at rubella (MMR), na may 25 porsyentong wastage rate. Nasa P51.2 milyon naman ang sa BCG, isang multi-dose na bakuna na may 50 porsyentong benchmark.
Ipinunto ni Gatchalian na nasa pamamalakad ang problema at hindi sa kawalan ng mga batang babakunahan sa mga lokal na komunidad.
“But the problem, Secretary, is actually nakikita kong problema… is really your inventory management,” aniya.
“So kung nabibigay natin ‘yung half a billion doon sa mga batang ‘yon… baka 70%-80% ng mga bata ang maimmunize natin at mabibigyan ng vaccines,” dagdag ng senador.
Tiniyak naman ni Mercado na gagamitin ng DOH ang mga Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) clinic ng PhilHealth para mapataas ang bilang ng nababakunahan. Pinamunuan ni Mercado ang PhilHealth bago siya itinalagang health secretary noong Agosto.
Dati nang pinuna ng Commission on Audit (COA) ang pagkasayang sa DOH. Sa 2023 audit report ng COA, P11.19 bilyong halaga ng gamot at iba pang health supplies ang nag-expire o nasayang. Isinisi ito ng COA sa mahinang procurement planning, distribusyon at monitoring, batay sa pagsusuri ng Congressional Policy and Budget Research Department ng Kamara.
Patuloy pa ang pagdinig ng Senate Committee on Finance sa panukalang 2027 budget. Target naman ng Kamara na aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang bersyon nito sa Oktubre 9 bago ito ipadala sa Senado.
