NHA1

NHA itinurn over sariling bahay ng 49 pamilya sa tunnel community

Jun I Legaspi Oct 3, 2026
28 Views

NHAPINANGUNAHAN ni National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben Tai ang turnover ng mga tahanan sa mga pamilya mula sa Manila “Tunnel Community” sa San Ildefonso, Bulacan.

Kasama ni NHA GM Tai sina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rexlon Gatchalian at Mayor Fernando “Gazo” Galvez Jr. sa pagtanggap sa 49 na pamilya sa kanilang mga bagong tahanan sa St. Ildephonsus Village.

Pinangunahan din nila ang paggawad ng Certificates of Eligibility for Lot Allocation (CELA) at sinamahan ang mga benepisyaryo sa pag-inspeksyon ng kani-kanilang mga tahanan.

Ibinahagi ni Diosdado Florendo, 58, isa sa mga benepisyaryo, na higit 30 taon siyang nanirahan sa “Tunnel Community” simula nang siya’y mag-asawa.

Ayon sa kanya, naging mahirap ang kanilang kalagayan tuwing may sakuna, lalo na kapag bumabaha, kung kaya’t napipilitan silang lumikas at manatili sa gitna ng Skyway (South Luzon Expressway) hanggang sa humupa ang baha.

Nagpasalamat siya kay GM Tai na naging instrumento upang maibigay sa kanila ang pabahay na hindi nila inaasahan.

Inanunsyo rin ni GM Tai ang pagtatayo ng 3 palapag na paaralan na may 12 silid-aralan sa loob ng komunidad na magsisilbing karagdagang suporta sa mga pamilya para sa paglipat sa kanilang mga bagong tahanan.

Hinimok din niya ang mga benepisyaryo na pahalagahan ang kanilang mga bagong tahanan na initiative ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mabigyan ang mga pamilya ng bagong tahanan at isang bago at disenteng buhay.

“Sana po ay mahalin ninyo ang inyong mga bahay, huwag na huwag ninyo pong ibebenta ’yan,” ani GM Tai.

Nakikipagtulungan ang NHA, attached agency ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), sa mga katuwang na ahensya ng pamahalaan sa pagbibigay ng ligtas na mga tahanan sa mga mamamayan.