LTO agad sinuspindi lisensya ng drayber ng truck na sangkot sa C5 aksidente

Jun I Legaspi Dec 21, 2024
66 Views

AGAD sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng drayber ng truck sa loob ng 90 araw, matapos itong masangkot sa isang aksidente sa Taguig na nag-iwan ng hindi bababa sa isa ang patay at dalawa pang nasugatan.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ini-imbestigahan na nila ang truck na nasangkot, isang Sino Truck Howo na may Plate No. NCX213, habang hinihintay ang resulta ng patuloy na imbestigasyon.

“Naglabas na kami ng Show Cause Order sa drayber at sa rehistradong may-ari ng truck, na hinihingan silang magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat parusahan batay sa umiiral na mga batas, patakaran, at regulasyon sa trapiko,” ani Assec. Mendoza.

Aniya, ang drayber ay inutusan na magpaliwanag sa pamamagitan ng notaryadong sulat kung bakit hindi dapat bawiin ang kanyang lisensya dahil sa paglabag sa reckless driving (Sec. 48 ng R.A. No. 4136) at pagiging improper person to operate a motor vehicle (Sec. 27 ng R.A. No. 4136).

Samantalang ang rehistradong may-ari o operator ng truck ay inutusan din na magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat managot administratibo para sa pag-empleyo ng isang reckless driver (Part IV Item No. 7 DOTC JAO 2014-01).

Ayon sa imbestigasyon, ang truck ay sumalpok sa apat na sasakyan sa C5 Road Southbound malapit sa Palar Tunnel, Brgy. Pinagsama, Taguig City bandang alas 8:30 ng gabi noong Huwebes.

Sa SCO na pinirmahan ni LTO-Law Enforcement Service Director Eduardo de Guzman, parehong inutusan ang drayber at ang rehistradong may-ari na mag report sa LTO Central Office sa Quezon City sa Disyembre 27.

“Ang hindi pagdalo at pagsusumite ng inyong nakasulat na paliwanag ay mag-uudyok sa opisina na lutasin ang isyu batay sa mga ebidensyang nakatala sa aming rekord,” ayon sa SCO.