LTO binawi lisensya ng driver na naningil ng P5K sa NAIA T1

Jun I Legaspi Jun 20, 2025
35 Views

SA kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tugisin ang mga abusadong motorista, inilagay sa alarm status ng Land Transportation Office (LTO) ang isang taxi na naaktuhang naningil ng mahigit P5,000 mula Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1 papuntang terminal 2.

Sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na siningil umano ng taxi driver ang pasahero ng P5,500 para sa biyahe mula NAIA Terminal 1 patungong NAIA Terminal 2 noong Hunyo 19. Tinatayang nasa 2 kilometro lang ang distansya ng dalawang terminals.

“Lumalabas na mas malupit pa ito kaysa sa nag-viral na taxi driver na naningil ng P1,300 mula NAIA Terminal 1 papuntang NAIA Terminal 2,” ani Asec. Mendoza.

Sa insidenteng ito, tiniyak ni Asec. Mendoza na pananagutin ang driver at agad na ipinag-utos ang pagsuko ng kanyang lisensya.

Sa show cause order na pirmado ni LTO Intelligence and Investigation Division chief Renante Melitante, ipinatawag ang may-ari ng taxi at ang driver nito na humarap sa LTO Central Office sa Quezon City sa Hunyo 27 at inutusang magsumite ng nakasulat na paliwanag kaugnay ng pangyayari.

Mahaharap ang driver sa kasong administratibo bilang isang Improper Person to Operate a Motor Vehicle alinsunod sa Seksyon 27 ng R.A. No. 4136.

Ang pinakamataas na parusa sa ilalim ng batas ay revocation o tuluyang pagkakansela ng kanyang lisensya sa pagmamaneho.

“Samantala, inilalagay sa ilalim ng alarm status ang nasabing taxi upang hindi ito makapagsagawa ng anumang transaksyon habang isinasagawa ang imbestigasyon. Iniuutos din ang agarang pagsuko ng lisensya ng hindi pa nakikilalang driver bago o sa mismong araw ng itinakdang pagdinig,” ayon sa SCO.

“Ang hindi pagdalo sa pagdinig at hindi pagsusumite ng nakasulat na paliwanag ay ituturing na pagwawaksi sa karapatang maipagtanggol ang sarili. Dahil dito, ang desisyon ng opisina ay ibabatay na lamang sa mga ebidensyang hawak nito,” dagdag pa rito.