Mendoza Si Transportation Assistant Secretary at Land Transportation Office Chief Atty. Vigor D. Mendoza II (gitna) kasama ang ibang opisyales ng LTO habang ini inspeksyon ang mga ipadadalang mga tulong sa biktima ng bagyo sa Bicol.

LTO chief nagpadala ng ayuda sa hinagupit ni ‘Kristine’ sa Bicol

Jun I Legaspi Oct 28, 2024
82 Views

NAGPAABOT ng tulong si Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II sa mga nasalanta ng bagyo sa Bicol.

Nagpadala ng mga sako ng bigas, hygiene kits at iba pang pangunahing pangangailangan. Inaasahang darating ang mga donasyon sa Bicol sa gabi ng Lunes.

Samantala, pinuri ni Assec Mendoza at ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista ang dedikasyon ng mga tauhan ng LTO sa pagtulong sa mga komunidad na naapektuhan ng kalamidad.

“Kabalikat ng ating mga kababayan ang inyong LTO sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo.

Mula sa relief assistance hanggang sa rescue operations, pinatunayan ng ating mga personnel ang kahalagahan ng pagtutulungan, ang bayanihan sa panahon ng sakuna,” dagdag ni Mendoza.

Sa Bicol tumulong ang mga tauhan ng LTO sa repacking at pamamahagi ng mga relief goods sa mga residente. Nagsilbi ring repacking center ang LTO Pamplona District Office para sa mga relief goods.

Sa LTO Naga, naging aktibo ang mga tauhan sa pamamahagi ng ayuda at sa pagsasagawa ng rescue operations noong kasagsagan ng malawakang pagbaha.

Ipinag-utos din ni Assec Mendoza ang pagkansela ng lahat ng leave ng mga enforcer ng LTO para matiyak na maayos ang daloy ng trapiko at mabilis na makarating ang mga relief goods at kagamitan sa disaster response sa mga apektadong lugar tulad ng Bicol, Batangas, Cavite, Laguna, Quezon, at ilang bahagi ng Central Luzon at Cagayan Valley.

Ang mga tauhan ng LTO masigasig na nagbantay sa mga pangunahing daan at lansangan upang masiguro ang mabilis na pagdating ng tulong at mga team na reresponde sa mga nasalanta.

Bilang karagdagang tulong sa mga lugar na apektado ng bagyo, alinsunod sa direktiba ni Secretary Bautista, inalis ni Assec Mendoza ang mga multa para sa renewal ng driver’s license at rehistro ng sasakyan bilang suporta sa mga apektadong komunidad.