Calendar
LTO chief sinuspinde empleyado sa Samar
SA utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyakin ang pananagutan sa pagbibigay ng serbisyo publiko, sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang isang empleyado ng ahensya sa Samar sa loob ng 90 araw dahil sa umano’y pagkakasangkot sa pekeng pagrerehistro ng isang sasakyan.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang ipinataw na suspensyon ay kaugnay ng mga kasong administratibo na gross neglect of duty at conduct prejudicial to the best interest of the service, batay sa reklamong inihain ng isang may-ari ng sasakyan noong Enero ngayong taon.
Sa salaysay ng nagreklamo, ang naturang supervising transportation regulation officer ang nagproseso ng ilegal na paglipat ng rehistro ng isang sedan.
Nagsampa ng kaso ang complainant sa Office of the Ombudsman, na siya namang nag-endorso ng imbestigasyon sa LTO.
“Dahil sa iyong posisyon, maaaring maka-impluwensya ka sa mga posibleng testigo o makialam sa ebidensya.
Kaya’t habang isinasagawa ang pormal na imbestigasyon, ikaw ay isinasailalim sa Preventive Suspension sa loob ng 90 araw, na agad na magkakabisa sa oras ng iyong pagtanggap nito,” ayon sa kautusan ng suspensyon na nilagdaan ni Asec Mendoza.
Sa isinasagawang imbestigasyon, nagsumite ang complainant ng mga dokumento mula sa LTO na nagpapatunay na peke ang transaksyong isinagawa ng empleyado ng LTO sa Catbalogan City.
Habang itinutulak ang mga reporma at patakaran upang palakasin ang moral ng mga kawani ng LTO, kabilang na ang pagsasaayos ng estado ng mga contractual na empleyado, naninindigan si Asec Mendoza laban sa mga tiwali sa loob ng ahensya.

