LTO

LTO inutusang pag-aralan ibang paraan sa pagbabayad ng vehicle registration

Jun I Legaspi Oct 15, 2025
321 Views

INATASAN ni acting Transportation Secretary Giovanni Lopez ang Land Transportation Office (LTO) na pag-aralan ang pagbibigay ng iba pang option sa pagbabayad ng pagpaparehistro ng mga sasakyan sa mga Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVICs) kasunod ng mga reklamo laban sa isang online payment option at karagdagang P65 convenience fee.

“Dapat hindi natin pinapahirapan ang mga kababayan natin. Inatasan ko na si LTO chief Markus Lacanilao na tingnan ang isyung ito dahil isang concern ito ng ating mga kababayan. Malaking halaga ang P65.

Pwede na nila itong gamitin sa pamasahe o pagkain. Lagi nating isipin kung paano mas mapapabuti ang serbisyo natin sa publiko,” ani acting Secretary Lopez.

Ayon sa mga reklamo sa social media, GCash lamang ang tinatanggap na bayad sa ilang Vehicle Renewal Facility (VREF) sa PMVIC.

Inatasan din ang LTO na humanap ng paraan upang alisin o bawasan ang convenience fee para sa online payments at repasuhin ang mga kasunduan sa VREF upang payagan ang pagbabayad sa pamamagitan ng cash. Layunin nitong tugunan ang isyu ng dagdag na bayad.

Nilinaw ng LTO na ang VREF hindi matatagpuan sa loob ng tanggapan ng ahensya sa Angono, Rizal kundi nasa kalapit na PMVIC.

Ang VREF ay isang online motor vehicle renewal center na itinatag ng LTO sa mga PMVIC upang mapadali ang mga transaksyon.