Tricycle

LTO nag-isyu ng SCO laban sa trike driver na kinaladkad pusa

Jun I Legaspi Jan 6, 2025
30 Views

NAGPALABAS ang Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order (SCO) noong Lunes, Enero 6, laban sa rehistradong may-ari ng tricycle na naging viral matapos itong makitang kinakaladkad ang isang pusa habang tumatakbo sa kalsada sa Pangasinan.

Sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, na ang rehistradong may-ari ng tricycle na may plate number 206-WLY ay siya ring nagmamaneho ng sasakyan nang maganap ang insidente.

“Hindi ito katanggap-tanggap at ipinakita lamang nito ang uri ng karakter na mayroon ang taong ito. Hindi natin ito palalampasin at titiyakin natin na mananagot ang taong ito,” mariing pahayag ni Asec Mendoza matapos mapanood ang viral na video.

Bagamat malinaw ang mga paglabag, sinabi ni Asec Mendoza na bibigyan pa rin ng pagkakataon ang driver ng tricycle na magpaliwanag bilang bahagi ng due process.

Sa isang SCO na nilagdaan ni LTO-Intelligence and Investigation Division Chief Renante Militante, inatasan ang rehistradong may-ari na humarap sa LTO Central Office sa Quezon City sa Enero 20 upang magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng parusa.

Inatasan din ang rehistradong may-ari na magsumite ng isang nakasulat at notaryadong paliwanag kung bakit hindi dapat masuspinde o ma-revoke ang kanyang lisensiya bilang “Improper Person to Operate a Motor Vehicle” alinsunod sa Seksyon 27(a) ng R.A. 4136 kaugnay ng insidente.

Ayon kay Asec Mendoza, pansamantalang ilalagay sa alarma ang tricycle upang maiwasan ang anumang transaksyon habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Bilang pagsunod sa utos ni Asec Mendoza, nagpadala rin ang LTO-IID ng imbitasyon sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS) upang dumalo sa pagdinig na itinakda sa Enero 20.

“Ang imbestigasyong ito ay may kaugnayan sa viral na video na kumakalat sa social media (Facebook) kung saan makikita ang isang tricycle na may Plate No. 206-WLY na kinaladkad ang isang hayop habang tumatakbo sa kalsada,” ayon sa imbitasyong ipinadala sa PAWS.

“Dahil ang kasong ito ay may kinalaman sa kalupitan sa hayop, naniniwala kaming magiging mahalaga ang inyong partisipasyon. Umaasa kami sa inyong positibong tugon at inaasahan ang pakikipagtulungan ninyo sa paglutas ng kasong ito,” dagdag pa nito.