Cruz

LTO nagbabala laban sa iligal na paggamit ng wang-wang

266 Views

NAGPAALALA ang Land Transportation Office (LTO) sa publiko na mga piling sasakyan lamang ang maaaring gumamit ng wang-wang, sirena, o blinker.

Ayon kay LTO Officer-in-Charge Atty. Romeo G. Vera Cruz ipinatutupad pa rin ang Presidential Decree 96 na ipinalabas ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos noong Enero 13, 1973

“Under PD 96, Decree No. 2, sirens, blinkers, and similar devices may be attached to motor vehicles designated for official use by the Armed Forces of the Philippines, National Bureau of Investigation, Police Departments, Fire Departments, hospital ambulances, and the Land Transportation Commission,” sabi ni Vera Cruz.

Dagdag pa ni Vera Cruz, ipinalabas ng Land Transportation Commission (ngayon ay LTO) ang Administrative Order No. 1 Series of 1973 na nagootorisa sa mga Law Enforcement Motor Vehicles, trak ng bumbero, ambulansya ng ospital, tower service car at wrecker na gumamit ng sirena at blinker.

Sa ilalim naman umano ng LTO Memorandum on Motorcycle Escorts and Unauthorized Use of Sirens and Blinkers, Markers na may petsang Hulyo 23, 1998, ang mga sasakyan ng gobyerno na pinapayagan na kabitan ng sirena, blinker at mga katulad na gadget ay ang sasakyan ng Pangulo, Bise Presidente, Senate President, Speaker ng Kamara de Representantes, at Chief Justice ng Supreme Court.

Ayon sa Joint Administrative Order No. 2014-01 na may petsang Hunyo 2, 2014, ang hindi otorisadong paggamit ng wang-wang, blinker at mga katulad na gadget ay pagmumultahin ng P5,000, kukumpiskahin ang gadget at papatawan ng demerit ang lisensya ng drayber.