LTO

LTO naresolba nagbabadyang kakulangan ng security paper

Jun I Legaspi Nov 7, 2024
12 Views

NALUTAS na ng Land Transportation Office (LTO) ang nagbabadyang kakulangan ng security paper na ginagamit sa pag-imprenta ng mga certificate of registration para sa mga sasakyan.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, nagsimula na sila ng mga paghahanda matapos nilang mapansin ang kakulangan sa security paper noong Agosto.

“Nagpalabas na agad tayo noon ng guideline bilang sagot sa looming shortage ng security paper.

Tayo ay nagpapasalamat at hindi na lumala ang problema because of the delivery of the security paper we need,” ani Mendoza.

Naipadala ang supply noong Huwebes, Nov. 7, at sinabi ni Mendoza na sapat ang bilang ng security paper para tugunan ang pangangailangan ng motor vehicle registration at iba pang transaksyon sa loob ng ilang buwan.

Dahil sa kakulangan, napilitan ang LTO na mag-imprenta ng certificate of registration sa bond paper para sa ilang mga kliyente nito.

Sa pagdating ng security paper, sinabi ni Mendoza na maglalabas siya ng panibagong memorandum para sa pag-schedule ng pag-imprenta ng mga dokumentong dati nang naka-imprenta sa bond paper.

Inaasahan ang pagdating ng security paper sa mga LTO regional offices sa susunod na linggo.