Calendar

LTO pansamantalang sinuspinde lisensiya ng pulis na sangkot sa road rage
SA direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyakin ang kaligtasan sa kalsada, pansamantalang sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO), sa patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince B. Dizon, ang lisensya ng isang pulis na sangkot sa insidente ng road rage sa Ermita, Maynila. Ang suspensyon ay epektibo sa loob ng 90 araw.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, nakapaglabas na ng show cause order (SCO) laban sa pulis, at inatasan na rin itong magsumite ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi dapat tuluyang bawiin ang kanyang lisensya sa pagmamaneho.
“Isa na naman ito sa patunay na wala naman magandang idudulot ang init ng ulo sa kalsada,” ani Asec. Mendoza.
Batay sa paunang imbestigasyon ng LTO-Intelligence and Investigation Division, naganap ang insidente noong May 12 sa kahabaan ng F. Manalo Street, Brgy. 897, Sta. Ana, Maynila.
Napag-alamang naka-assign ang naturang pulis sa isang polling center sa Maynila bilang bahagi ng mga seguridad para sa halalan. Gayunman, sa oras ng insidente ay hindi umano ito nakasuot ng standard helmet.
Nagkaroon ng pagtatalo sa trapiko sa pagitan ng pulis at isang sibilyan na motorista, at lalo itong tumindi nang tangkain ng sibilyan na saktan ang pulis, dahilan upang bumunot ng baril ang huli.
Sa SCO na nilagdaan ni LTO-IID Chief Renante Melitante, ipinaalam sa pulis ang mga paglabag na kanyag kinasasangkutan: Mandatory Use of Motorcycle Helmets (Seksyon 3 ng R.A. 10054), Obstruction of Traffic (Section 54 of R.A. 4136), at kung bakit hindi siya dapat ituring na Improper Person to Operate a Motor Vehicle (Section 27 (a) of R.A. 4136), na maaaring maging batayan ng pagbawi ng kanyang lisensya.
Inatasan din siyang isuko ang kanyang lisensya sa pagmamaneho bago o sa mismong araw ng nakatakdang pagdinig sa May 21.
“Ang pagkabigong humarap at magsumite ng nakasulat na mga komento/paliwanag ay ituturing na pagtalikod sa inyong karapatang marinig, at ang kaso ay dedesisyunan base sa mga ebidensyang hawak,” ayon pa sa nilalaman ng SCO.