Calendar
LTO sa motorista: Cool lang sa pagmamaneho
MULING pinaalalahanan ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang mga motorista na maging kalmado habang nagmamaneho dahil ang pagiging mainitin ang ulo sa kalsada hahantong sa kapahamakan.
Inilabas ni Asec Mendoza ang pahayag kasunod ng road rage sa Antipolo City kung saan isang driver ng sports utility vehicle (SUV) ang nakuhanan ng video na nagpaputok ng baril sa mga motorcycle rider matapos ang sagutan.
Sa kaso ng SUV driver, iniulat—at makikita rin sa kumakalat na video—na aksidente niyang nabaril ang kanyang kasamahan. Sa insidenteng ito, hindi bababa sa tatlong iba pang indibidwal ang nasugatan.
Kasalukuyang inihahanda ang kasong multiple frustrated homicide laban sa 28-anyos na suspek.
Batay sa ulat, nakita na ang SUV driver nakipagsuntukan muna sa hindi bababa sa dalawang motorcycle rider bago naganap ang pamamaril.
Dahil dito, inatasan na ni Asec Mendoza ang LTO-Intelligence and Investigation Division (LTO-IID) na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang ugat ng insidente at ang mga pangyayaring nag-udyok sa alitan na nauwi sa pamamaril.
Bilang tugon, naglabas ng Show Cause Order (SCO) si LTO-IID head Renante Melitante laban sa SUV driver at sa tatlong motorcycle rider na sangkot sa insidente bilang bahagi ng imbestigasyon.
Sa SCO na inilabas laban sa SUV driver at isa sa mga motorcycle rider, nakasaad na ang kanilang lisensya suspendido sa loob ng 90 araw habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Samantala, inilagay naman sa alarma ang SUV at motorsiklo.
“Muli ay nagpapa-alala tayo sa ating mga kababayang motorista na maging maingat, maging responsible at magbaon ng napakraming pasensya kapag nasa kalsada.
Marami na tayong naparusahan dahil sa road rage at marami na ang nasira ang buhay dahil sa road rage,” ani Asec Mendoza.