Mendoza

LTO tinanggihan ang mungkahi ng mga kongresista na tapusin kontrata sa German kumpanya

Mar Rodriguez May 15, 2024
156 Views

TINANGGIHAN ng Land Transportation Office (LTO) ang inilatag na panukala ng mga kongresista na dapat wakasan ng ahensiya ang kasalukuyang land transportation management system (LTMS) contract nito sa isang German company o Information Technology (IT) service provider.

Sa pagdinig ng House Committee on Transportation noong Lunes (May 13, 2024), binigyang diin ni LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza na sa kasalukuyan ay walang kakayahan ang kanilang ahensiya upang sila ang humawak sa LTMS na nagpo-proseso sa registration ng aabot sa milyong motor vehicles sa buong bansa kabilang na ang mga driver’s license.

Ipinaliwanag ni Mendoza sa mga mambabatas na hindi kakayanin ng LTO na sila mismo ang hahawak o magpapatakbo ng kanilang sariling sistema nang walang ayuda o tulong mula sa kanilang kasalukuyang IT service provider na Dermalog, isang German company na kinontrata ng LTO.

“We cannot on our own run the system without the assistance of our IT service provider Dermalog,” sabi ni Mendoza.

Sinabi pa ni Mendoza sa pagdinig ng Komite na pinamumunuan ni Antipolo 2nd Dist. Cong. Romeo M. Acop na wala rin sapat na kaalaman ang LTO sa aspeto ng IT o “IT knowhow” upang ang ahensiya mismo ang humawak sa pagpo-proseso ng mga lisensiya at registration ng mga sasakyan.

Ikinatuwran naman ng mga kongresista na kaya nila ipinababasura kay Mendoza ang kontrata nito sa Demarlog ay bunsod ng inilabas na 2023 report ng Commission on Audit (COA) kaugnay sa nasabing kontrata.

“I assure Mr. Chairman, that our position is in the best interest of the government. We can explain it in a closed-door session because of the presence of parties here that are litigants in a case pending in the Supreme Court,” paliwanag pa ni Mendoza sa pagdinig ng Committee on Transportation.