Atty. Vigor D. Mendoza II

LTO tiniyak kaligtasan sa kalsada, 2,744 motorista nahuli sa Calabarzon

Jun I Legaspi May 11, 2025
28 Views

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyakin ang kaligtasan sa kalsada, nakahuli ang Land Transportation Office (LTO) ng kabuuang 2,744 motorista mula May 7 hanggang 10 sa Calabarzon dahil sa iba’t ibang paglabag sa batas-trapiko.

Pinuri ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang LTO-Region 4A sa masigasig nitong operasyon bilang tugon sa panawagan ng publiko na paigtingin ang pagpapatupad ng batas trapiko kasunod ng mga aksidente sa kalsada nitong mga nakaraang araw.

“Ang Calabarzon ay isa sa mga pinaka-abalang rehiyon sa bansa at kabilang din sa mga may pinakamaraming rehistradong sasakyan. Kaya isa ito sa mga pangunahing tinututukan natin sa law enforcement dahil sa dami ng sasakyang dumaraan dito,” ayon kay Asec. Mendoza.

Saklaw ng rehiyon ang mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon.

Batay sa datos mula sa LTO-Region 4A sa pangunguna ni Regional Director Elmer Decena, 1,607 sasakyan ang nahuli dahil sa paso na rehistro, habang 32 ang nasangkot sa colorum na operasyon.

Umabot din sa 195 ang mga motorcycle rider na nahuling hindi nagsusuot ng protective gear, habang 698 naman ang hindi nakasuot ng seatbelt.

Samantala, 750 motorista ang nahuli dahil sa iba’t ibang paglabag sa road safety regulations gaya ng pagkakaroon ng upod na gulong at ilegal na accessories sa sasakyan.

Matatandaang ipinag-utos ni Asec. Mendoza ang mas pinaigting na presensya ng mga LTO enforcer at mahigpit na pagpapatupad ng batas trapiko sa gitna ng inaasahang pagbiyahe ng milyun-milyong Pilipino para sa halalan sa May 12.