Calendar
Lubak-lubak na Roman Highway pinaayos na
ORANI, Bataan — Ipinaaayos ni Bataan Governor Jose Enrique “Joet ” Garcia III ang ng mga lubak-lubak na kalsada sa kahabaan ng Roman Superhiway na nasira ng matitinding mga pag-ulan at mga pagbaha nitong mga nagdaang mga araw.
“Bilang pagtugon sa hinaing ng ating mga kababayang motorista hinggil sa pagkasira ng mga kalsada na dulot ng nagdaang bagyo at habagat, ipinagpapatuloy po ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang agarang pagsasaayos at pagtatapal ng mga potholes sa kahabaan ng Roman Superhighway,” ani Garcia.
“Sa kasalukuyan, natapalan na po ang mga kritikal na bahagi ng daan sa mga bayan ng Hermosa, Dinalupihan, Orani, Abucay, Samal, Balanga at Mariveles. Sa mga susunod na araw ay sinisiguro ng DPWH na matatapos nila ang gawaing ito upang mabigyan ng maginhawang karanasan sa daan ang ating mga kababayan sa lalong madaling panahon,” anang governor.
Sinabi naman ni District Engr John Paolo Tan ng DPWH 1st engineering district, na binibilisan na nila ang patchings sa mga potholes sa kalsada dahil gumaganda na ang panahon.
“Hindi kasi pwedeng tapalan ang mga lubak kapag may malakas na ulan,” dagdag ni Tan.
Sinabi rin ng governador na tuloy-tuloy ang gagawing pagtutok sa suliraning ito dahil pangunahing layunin ng probinsiya ang kaligtasan ng bawat Bataeno.
Nagbigay naman ng assurance si First District Engineer John Paolo Tan na magpapatuloy ang pagsasaayos ng Roman Expressway para sa ligtas na paglalakbay.

