PCSO

Lucky pick tumama ng P15.8M sa SuperLotto

Arlene Rivera Jul 19, 2023
94 Views

ISANG 35-anyos na residente ng Cubao, Quezon City ang nanalo ng P15.84 milyon jackpot prize ng SuperLotto 6/49 noong Hunyo 15.

Ang nanalo ay tumaya ng lucky pick o ang lotto machine ang namili ng numero para sa kanya. Ang lumabas na kumbinasyon ay 19-03-45-22-42-32.

“Sobrang saya ko po habang nakikita ko na isa-isang binabanggit ng host sa live draw yung mga kumbinasyon na nasa ticket ko. Napakaswerte ko po dahil naranasan ko itong pangyayaring nababasa at nababalitaan ko lang noon. Maraming salamat po, PCSO,” sabi ng nanalo na sinadyang hindi pangalanan.

Plano umano ng nanalo na mag-invest sa insurance at palawigin ang kanyang negosyo.

Pumunta ang nanalo sa PCSO Main Office sa Shaw Boulevard, Mandaluyong, noong Hunyo 20 para kunin ang kanyang premyo.

Ang mga premyo sa lotto na nagkakahalaga ng mahigit P10,000 ay pinapatawan ng 20 porsyentong buwis alinsunod sa TRAIN Law.