Calendar
Photo source: House of Representatives
Luistro: Sariling SALN ni VP Duterte sentrong ebidensya sa impeachment case
NAGING sentrong ebidensya sa impeachment case ang sariling sinumpaang SALN ni Bise Presidente Sara Z. Duterte, matapos ihambing ng House Committee on Justice ang kanyang deklarasyong zero cash sa mga opisyal na rekord na nagpapakita umano ng bilyon-bilyong pisong transaksyon.
Inilahad ito ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, chair ng House Committee on Justice, sa kanyang pambungad na pahayag noong Mayo 4 habang tinatapos ng komite ang ulat at Articles of Impeachment.
“Ngunit, mapagtatanto natin na meron na pala tayong hawak na ebidensya mula mismo sa kanya,” ani Luistro, na isang abogado.
“Hindi na natin kailangang tumingin pa sa malayo. We already have a sworn statement. Isang sinumpaang salaysay. Antagal na palang nandito,” dagdag niya.
Tinukoy ni Luistro ang dokumentong aniya’y mahalagang ebidensya na katumbas ng iba pang nakalap ng komite.
“Ang kanyang SALN,” ani Luistro.
“Isang dokumentong siya mismo ang pumirma, siya ang nanumpa, at siya ang nagsumite,” diin niya.
Nauna nang sinuri ng komite ang SALN ni Duterte kasabay ng ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), mga dokumento mula sa Securities and Exchange Commission (SEC), at iba pang rekord na isinumite sa komite.
“At malinaw ang nakasaad doon: walang cash o cash deposit,” diin ni Luistro.
Ayon sa kanya, hindi na maaaring ipagwalang-bahala ang tila salungatan sa pagitan ng sinumpaang deklarasyon at ng mga opisyal na rekord pinansyal na lumabas sa mga pagdinig.
“Ngayon, itabi natin ang SALN na iyon sa lahat ng ebidensyang ating natipon,” ani Luistro.
“Doon lumabas ang tanong na hindi na natin matatakasan: Kapag ang sinumpaang dokumento ay nagsabing ‘ZERO CASH,’ pero ang official report ay nagpapakita ng BILYON-BILYONG transaksyon, saan tayo maniniwala?” tanong niya.
Sa parehong pahayag, binalikan ni Luistro ang iba pang ebidensyang sinuri ng komite, kabilang ang ulat ng AMLC na nagpapakita umano ng mga transaksyon na kinasasangkutan ni Duterte at ng kanyang asawa.
“Pang-anim, ang ulat ng AMLC patungkol sa P6.7 billion na mga transaksyon, napakalaking halaga na dumaloy sa mga account ng Bise Presidente at ng kanyang asawa,” aniya.
Tinukoy rin niya ang mga natuklasan ni dating Senador Antonio Trillanes IV na umano’y tumutugma sa mga rekord ng AMLC.
“Pangpito, ang mga natuklasan ni former Senator Antonio Trillanes IV, na ang malaking bahagi ng kayamanang ito ay may kaugnayan sa illegal drugs, at ang mas nakakagulat: ang pahayag na ito ay tumutugma sa record ng AMLC,” ani Luistro.
Binanggit din niya ang mga dokumento mula sa SEC na nagdulot ng mga tanong hinggil sa negosyo ni Duterte at kita ng mga kumpanyang kaugnay niya.
“Pangwalo, ang mga dokumento mula sa SEC, na nagpapatunay na walang kinikita ang mga kumpanya ng Bise Presidente, kahit nanatili siyang aktibo sa isa sa mga kumpanyang ito, na ang ibig sabihin ay pinagsabay niya ang pagiging Bise Presidente at pagpapatakbo ng negosyo,” paliwanag niya.
Para kay Luistro, ang SALN ay hindi lamang isa pang dokumento kundi isang sinumpaang rekord na ginawa mismo ni Duterte.
Binanggit din niya na sinuri ng komite ang mga natuklasan ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng confidential funds, kabilang ang mga kautusan na ibalik ang P73 milyon at P375 milyon.
“Panglima, ang COA findings na nag-uutos ng refund na P73 million at P375 million,” ani Luistro.
Tinalakay rin ng komite ang selyadong kahon mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) noong pagdinig ng Abril 29, ngunit napagpasyahan na huwag muna itong buksan kahit may kapangyarihan silang gawin ito.
“Una, ang selyadong kahon mula sa BIR, na, sa kabila ng matinding debate, hindi muna natin binuksan, kahit nasa kapangyarihan naman natin na buksan ito,” paliwanag niya.
Matapos suriin ang lahat ng ebidensya, sinabi ni Luistro na sapat na ang batayan upang magpatuloy ang kaso.
“Noong April 29, the Committee on Justice decided that we have seen enough,” aniya.
Ayon pa sa kanya, paulit-ulit na inimbitahan ng komite si Duterte na dumalo, ngunit ang kanyang kawalan ay nag-iwan ng mga ebidensya na walang kasagutan.
“Sa bawat ebidensya, walang direktang sagot. Sa bawat tanong, walang paliwanag,” diin ni Luistro.
Sa huli, sinabi niyang nagkakaisang bumoto ang komite upang makita ang probable cause.
“Sa nagkakaisang boto, natukoy ng komiteng ito ang probable cause upang i-impeach si Bise Presidente Sara Z. Duterte dahil sa culpable violation of the Constitution, bribery, graft and corruption, iba pang mabibigat na krimen, at pagtataksil sa tiwala ng publiko,” pahayag niya.
Ihahain na ngayon ng komite ang ulat at Articles of Impeachment sa plenaryo, kung saan magpapasya ang buong Kamara kung ipapasa ang kaso sa Senado para sa paglilitis.
“Huwag nating itigil ito. Dalhin natin sa lohikal na konklusyon. Kung hindi, mauulit lamang ang siklo ng impunity,” panawagan ni Luistro.

