Calendar

Lumalalang kaso ng bullying sa paaralan tinalakay sa Senado
“MAMA, papatayin niya ba ako?”
Ito ang tanong ng isang takot na takot na 14-anyos na dalagita na tumagos at umalingawgaw sa katahimikan ng silid-pagdinig ng Senado.
Ang mga salitang ito ang huling binanggit ng batang ito ilang araw bago siya brutal na pinatay sa loob mismo ng silid-aralan.
Ang nasabing tanong ay nag iwan din ng parehong alingawgaw sa pagdinig sa Senado habang isinasagawa ang imbestigasyon at sa buong sambayanan.
Sa pamumuno ni Senador Sherwin Gatchalian, ang kuwento ng dalagita ang naging tampok sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education noong Abril 8, 2025, na tumalakay sa lumalalang karahasang nagaganap sa mga paaralan. Ayon sa ulat, ang krimen ay nangyari matapos ang ilang buwang pambubully sa kanya—isang masaklap na paalala kung gaano kaseryoso ang isyu.
“Anong nangyari sa anak ko?,” sigaw ng ina ng biktima sa isang panayam na ipinalabas sa sesyon. Halos hindi na niya makontrol ang tinig sa matinding dalamhati. “Wala naman sa tindahan ang buhay ng anak ko. Bakit gano’n kadaling pinabayaan n’yo?”
Hindi ito ang unang kaso ng karahasan sa paaralan. Isa lamang ito sa ilang mga insidente na nagtulak kay Senador Gatchalian upang ipatawag ang naturang pagdinig.
Inamin ng senador na para sa kanya, ang insidente ng iba’t ibang uri ng bullying at karahasan na nagaganap mismo sa paaralan ay lubhang nakababahala at dapat aniyang magbigay matinding aksyon ang gobyerno para masawata ang ganitong uri ng karahasan na kumikitil sa buhay ng mga inosenteng buhay lalot sa maraming kabataan/
“Nakakabahala ang video,” ani Gatchalian, tumutukoy sa mga nakakagimbal na kuha ng rambulan at pananakit sa mga paaralan. “Pero para sa akin, mas nakakabahalang isipin na itong mga batang ito ang susunod na mamamayan sana ng ating bansa.”
Sa bansa kung saan higit sa 50% ng mga batang lalaki at 43% ng mga batang babae ang nagsabing naranasan na nilang ma-bully—batay sa 2022 PISA report—hindi na ligtas na lugar ang silid-aralan. May mga umiiral na batas tulad ng Anti-Bullying Act of 2013 at Republic Act 11476 na nag-aatas ng pagtuturo ng Good Manners and Right Conduct (GMRC), ngunit ayon sa mga lumabas sa pagdinig, mahina at hindi pantay ang pagpapatupad nito.
Isa sa mga pangunahing nagsalita sa pagdinig ay si Dr. Leonisa Romano, punong-guro ng Moonwalk National High School kung saan naganap ang insidente. Ikinuwento niya kung paano nangyari ang pananaksak sa loob lamang ng ilang segundo.
“Wala pang seconds lang po yung nangyari… lahat-lahat po, wala pa pong two minutes,” aniya.
Bago pa man ang insidente, lumapit na ang biktima sa guidance designate ng paaralan upang iulat ang banta. Ngunit dahil sa kakulangan ng tauhan at hindi malinaw na tungkulin, hindi ito naagapan.
“Actually, wala po kaming guidance counselor,” inilahad ni Romano. “Meron po kaming guidance designate bawat grade level… pero nagtuturo din po sila.”
Ayon kay Romano, may halos 4,000 estudyante sa kanilang paaralan at 11 lang ang “watchmen” na salit-salitang nagbabantay. Wala silang lisensyadong guidance counselor o permanenteng mental health professional.
“Tatlong bata ang kailangan naming subaybayan… kasi meron pong hindi nagsasalita,” dagdag niya.
Ipinunto rin ni Romano na apektado rin ang mga guro.
“Sa dami po ng karapatan ng bata, hindi ka puwedeng magsalita ng nakakasakit sa kanilang damdamin,” iginiit niya. “Ang mga teacher din po ay natatakot na.”
Ang mga salaysay ni Romano ay sumasalamin sa kalagayan ng maraming pampublikong paaralan sa bansa—kulang sa tauhan, kulang sa suportang pangkalusugan ng isip, at kulang sa malinaw na patakaran. Ayon sa Department of Education, may mahigit 47,000 pampublikong paaralan sa bansa ngunit halos 1,131 lamang ang may punong guidance counselor, at sa bilis ng kasalukuyang pagre-recruit, tinatayang aabutin ng mahigit isang dekada bago mapunan ang pangangailangan.
Maging ang simpleng security checks gaya ng bag inspection o metal detectors ay limitado.
“Meron po kaming DepEd Order… na anumang uri ng inspection ay dapat na may presensya ng guro o guidance counselor,” paliwanag ni Romano. Ngunit dahil kulang sila sa tauhan, hanggang random checking lang ang kanilang nagagawa. “Kung lalabas po ay 2,000 at papasok ang 2,000 sa loob lamang po ng 20 to 30 minutes, hanggang random checking lang po talaga ang ginagawa namin.”
Lumabas rin sa pagdinig na mas pinapalala ng teknolohiya ang bullying. Hindi na ito basta pisikal na pananakit—kundi kinukuhanan ng video, ina-upload, at ibinabahagi online. Sa isa sa mga video na ipinakita sa Senado, walong estudyante ang kita sa kuha habang nire-record ang isang insidente gamit ang kani-kanilang cellphone.
“Parang nagiging palabas na yung bullying ngayon,” obserbasyon ni Gatchalian. “Everyone has a cellphone… at mananatili ‘yan sa internet forever.”
Ang ganitong digital cruelty ay nagdudulot ng matinding trauma. Hindi lamang ang katawan ang nasasaktan—kundi paulit-ulit pang binabalikan sa social media ang kahihiyan.
“So kahit matanda ka na, nakikita pa rin ng mga kaibigan mo, nakikita mo pa rin yung nangyari sa’yo nung bata ka,” babala ni Gatchalian.
Nanawagan si Dr. Romano ng agarang sistematikong pagbabago—dagdag na guidance counselors, pagbabalik ng aktibong paggabay ng mga guro tuwing recess, at higit sa lahat, pagbabalik-halaga sa kagandahang-asal.
“Hindi po natin kailangan yung mga subject na pagkahihirap na hindi naman po ginagamit sa buhay ng tao,” iminungkahi niya. “Ang pinaka-realize ko po talaga, yung kagandahang asal. Kung paano ka magiging mabuting tao.”
Ipinanawagan ngayon ng Senado ang ganap na pagpapatupad ng GMRC sa lahat ng pampublikong paaralan sa taong panuruan 2025–2026.
“We cannot wait anymore,” binigyang-diin ni Gatchalian. “We can’t wait for another child to die.”
Habang patuloy ang usapin ng badyet at polisiya, nananatiling hindi masagot ang huling tanong ng batang babae—“Mama, papatayin niya ba ako?” Isang tanong na patuloy na gumigising sa konsensiya ng bayan, paalala na hindi numero kundi buhay ng mga bata ang tunay na nawawala sa bawat pagkukulang.