Paolo

Maayos at makataong bilangguan o penitentiary system ipinanukala ni Cong. Paolo Duterte

Mar Rodriguez Jun 9, 2023
172 Views

BUNSOD ng mala-sardinas o masyadong napaka-sikip, kakulangan ng sapat na pasilidad, kakapusan sa pagkain at iba pang hindi makataong kondisyon ng mga bilangguan sa Pilipinas. Inihain ng isang Mindanao congressman ang isang panukalang batas para magkaroon ng karagdagan at maayos na “penitentiary system” o kulungan para sa mga bilanggo.

Binigyang diin ni Davao City 1st Dist. Congressman Paolo Z. Duterte na ginagarantiyahan mismo ng 1987 Philippine Constitution na mahigpit nitong tinututulan ang pagkakaroon ng isang “substandard” o mababang uri at hindi maayos na pasilidad ng isang bilangguan.

Sinabi pa ni Duterte na sa kasalukuyan ay mayroon lamang umanong pitong bilangguan o “correctional facilities” sa Pilipinas na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Bureau of Corrections (BuCor).

“The Constitution vehemently opposes the use of substandard or inadequate facilities under subhuman conditions. Despite the saiud mandate, there are only seven existing correctional facilities in the country which are under the jurisdiction of the Bureau of Corrections (BuCor),” ayon kay Duterte.

Dahil dito, inihain ni Duterte ang House Bill No. 8071 o ang Regional Penitentiaries Act na naglalayong ma-establisa at makapag-operate ng karagdagang penal farms sa Region I, II, III, V, VI, VIII, IX, X, XII, XIII at sa Cordillera Administrative Region (CAR) upang mabawasan o magkaroon ng decongestion sa mga kasalukuyang penal institution o bilangguan sa bansa.

Ipinahayag naman ni 1-PACMAN Party List Congressman Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., na sa kabila ng pagkakaroon ng pitong correctional facilities sa bansa ay nananatili parin napaka-sikip o congested ang mga bilangguan kung kaya’t lalo umanong nagiging miserable ang kondisyon ng mga bilanggo.

Ipinaliwanag ni Romero, Chairman ng House Committee on Poverty Alleviation, na ang pagkakaroon ng hindi makataong kondisyon ng mga kulungan sa Pilipinas ay matagal na umanong problema ng pamahalaan partikular na ang mga bilanggo na nagtitiis sa napaka-sikip at napaka-init na kulungan.

Binigyang diin ni Romero na tinukoy din ng World Prison Brief ang Pilipinas bilang isa sa mayroong pinaka-masikip o overcrowded na kulungan sa buong mundo. Kung saan, 215,000 bilanggo ang nagsisiksikan sa isang kulungan na mayroon lamang napakaliit na espasyo o pasilidad.

Sinabi pa ni Romero na bukod sa napakasikip na kalagayan ng mga bilangguan, kalunos-lunos din aniya ang kondisyon ng mga preso dahil sa kakapusan sa pagkain, kakulangan ng masustansiyang pagkain o poor nutrition at ang tinatawag na “unsanitary condition” o hindi kaaya-ayang kalagayan.