Atienza

Mabilis na pagtulong, paglagay sa Maynila sa state of calamity pinangunahan ni Atienza

Edd Reyes Jul 25, 2025
421 Views

DALAWANG resolusyon, kabilang ang pagsasailalim sa Lungsod ng Maynila sa state of calamity ang ipinasa ng Sangguniang Panlungsod sa ipinatawag na special session ni Vice Mayor at Presiding Officer Chi Atienza Miyerkules ng hapon.

Sa ilalim ng ipinasang Resolution No. 1 Series of 2025, gagamitin ang pondo mula sa Quick Response Fund (QRF) ng lokal na pamahalaan para sa mabilis na makataong pagtulong at malawakang relief operations na tutugon sa tumitinding krisis.

Una ng hiniling ni Mayor Isko Moreno sa konseho ang pagpasa ng resolusyon upang mapasailalim sa state of calamity ang Maynila bunga na rin ng ulat ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) hinggil sa matindng pagbaha sa maraming barangay sa iba’t-ibang distrito, lalu na sa mababang lugar sa Sampaloc, Tondo, at Sta Mesa na umabot ang baha sa kritikal na antas.

Na-stranded din ang libo-libong mananakay dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan na nagdulot ng malalim na pagbaha sa mga lansangan,kaya’t nagpatupad ng pre-emptive evacuation sa daan-daang pamilya, pati na ang suspensiyon ng klase sa lahat ng antas at pasok sa tanggapan ng gobyerno.

Bukod dito, sinabi ni Vice Mayor Chi na nagpasa rin sila ng hiwalay na resolusyon na magbibigay pahintulot sa paggamit ng P750 milyon mula sa Special Health Fund ng lungsod upang palakasin ang serbisyong pangkalusugan, pati na rin ang operasyon ng mga pampublikong ospital para mapangalagaan ang publiko laban sa mga sakit na makukuha sa baha.

Nilinaw ng bise alkalde na hiwalay ang P750 milyong budget pang-kalusugan sa calamity fund na nakalaan sa pagtugon sa sakuna.

Matapos maipasa ang dalawang resolusyon, kaagad na nagtungo si VM Chi sa mga apektadong pamilyang nanunuluyan pa rin sa Baseco Evacuation Center at kanyang tiniyak sa mga nanunuluyang pamilya ang pangako ng lungsod na mabibigyan sila ng komprehensibong tulong at suporta sa panahon ng kanilang pangangailangan.