Santos

P2.5B flood control project sa Las Piñas-Zapote Road paiimbestigahan

Mar Rodriguez Jul 25, 2025
347 Views

PAIIMBESTIGAHAN ni Las Piñas Lone Dist. Rep. Mark Anthony Santos sa Kamara de Representantes ang kontrobersiyal at P2.5 bilyong flood control project sa kahabaan ng Las Piñas-Zapote River Drive na sinalanta ng matinding pagbaha.

Binigyang diin ni Santos na ang patuloy ng pagbaha sa lugar sa kabila ng pagkumpleto sa flood control project noong 2022 ay malinaw na senyales na may kailangang ipaliwanag sa paggamit ng pondo para sa implementasyon ng nasabing proyekto.

Ikinatuwiran pa ng neophyte congressman na kung totoong natapos ang naturang proyekto na ginastusan ng P2.5 bilyon. Bakit hanggang sa kasalukuyan aniya ay mistulang ilog parin ang kalsada sa tuwing bumubuhos ang malakas na ulan sa Metro Manila.

Kinukuwestiyon din ni Santos kung tunay ba talagang epektibo ang flood control project sapagkat sa kabila ng malaking halaga na ginastos para dito ay mistulang “hungkag” o walang pakinabang ang proyektong ito para sa mga mamamayan ng Las Piñas.

“Kung totoong natapos ang proyekto at gumastos ng P2.5 bilyon. Bakit hanggang ngayon ay parang ilog parin ang kalsada tuwing umuulan? Ang dapat nating tanungin eh’ kung epektibo ba talaga itong proyektong ito?” sabi ni Santos.

Ayon kay Santos, ang Las Piñas ay mayroong dalawang pangunahing ilog. Ito aniya ay kinabibilangan ng 12.6 kilometrong Las Pinas River at ang 18.3 kilometrong Zapote River. Kung saan, ang dalawang ilog ay magka-ugnay sat pinaghahatian ang 25.1 tributaries.

Inihayag pa ni Santos na sa paglipas ng panahon. Naging tapunan umano ng basura at dumi ang mga naturang ilog dahil narin sa kapabayaan, kawalan ng disiplina at hindi maayos na pangangasiwa ng mga taong dapat mangalaga dito.