Calendar
Mabilis, patas na hustisya panawagan ni Pangilinan
BINATIKOS ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang kabagalan ng sistema ng hustisya sa bansa matapos ang pinakahuling desisyon ng Sandiganbayan kaugnay ng 2004 Fertilizer Fund Scam, na inihalintulad niya sa mabigat na trapik sa EDSA.
“Kaya lumolobo ang katiwalian ay dahil mas makupad pa sa rush-hour trapik sa EDSA ang sistema ng katarungan sa Pilipinas,” ayon kay Pangilinan. “We must punish more and swiftly. Twenty-one years doesn’t in any way classify as swift.”
Sinabi ng senador na ang naturang kaso na nagkakahalaga ng ₱728 milyon ay umabot na ng mahigit dalawang dekada bago umusad. “Ang ganitong katawa-tawang pagkaantala ay nagpapalakas ng loob ng mga tiwali at sumisira sa tiwala ng taumbayan sa batas,” dagdag niya.
Ipinunto ni Pangilinan na noong 2004, “kakaumpisa pa lang ng FB, Skype, at yung touch-interface ng Nintendo,” ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring ganap na hustisya. “Twenty-one years sa Sandiganbayan. Another 20 years sa SC?” aniya.
Ayon sa senador, layunin ng kanyang Senate Bill 1547 na ayusin ang sistema ng pananagutan upang mapanagot agad ang mga opisyal na lumalabag sa batas. Ibinahagi rin niya ang datos ng hudikatura sa deliberasyon ng 2026 budget na nagpapakitang may 612,162 na nakabinbing kaso sa mga mababang hukuman, 27,394 sa Court of Appeals, 16,316 sa Supreme Court, 2,034 sa Court of Tax Appeals, at 967 sa Sandiganbayan.
“Ang wasto, maagap, at patas na pagpapatupad ng batas ang pundasyon ng kaayusan ng ating lipunan,” ayon pa kay Pangilinan.
Ang Fertilizer Fund Scam ay tumutukoy sa umano’y maling paggamit ng ₱728 milyong pondo na nakalaan sana sa mga magsasaka noong 2004.
Nauna nang ibinasura ng Sandiganbayan ang ilan sa mga kaso dahil sa “inordinate delay,” habang tinanong din ang Office of the Ombudsman sa mabagal nitong imbestigasyon.
Sinabi ng hudikatura na nagpapatupad na ito ng mga reporma tulad ng continuous trial guidelines noong 2017 upang mapabilis ang paglilitis, ngunit nananatiling mataas ang backlog ng mga kaso.
Muling nanawagan si Pangilinan para sa mabilis at patas na hustisya. “Ang hustisya ay dapat hindi naaantala. Ang batas ay dapat umiiral sa tamang panahon para sa kapakanan ng mamamayan,” ani niya.

