Calendar
Madriaga ilalantad buong katotohanan bakit nagastos ni VP Sara P125M sa loob ng 1 araw
ILALANTAD ng testigo ng House prosecution team na si Ramil Madriaga ang buong katotohanan kung bakit nagastos ang P125 milyong confidential funds ni Vice President Sara Z. Duterte sa loob lamang ng 24 oras, ayon kay House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua.
Sinabi ni Chua na ipaliliwanag ni Madriaga ang pagkakaiba ng mga opisyal na rekord na nagsasabing ang P125 milyong confidential funds ay nagastos sa loob ng 11 araw at ang kanyang pahayag na ang buong halaga ay umano’y nailabas sa loob ng wala pang 24 oras.
Si Madriaga ay dating kaalyado ni VP Duterte bilang taong makapagpapaliwanag ng naturang pagkakaiba kapag siya ay tumestigo at sumailalim sa cross-examination sa harap ng Senate impeachment court.
“Pero apparently, doon sa pagdinig ng Committee on Justice, sinasabi ni Ramil Madriaga na less than 24 hours lang, di ba? So at least kapag naipresenta si Ramil, mas maipapaliwanag niya kung bakit,” sabi ni Chua
Natanggap ng Office of the Vice President (OVP) ang P125 milyong confidential funds noong Disyembre 21, 2022 at nagsumite ng liquidation records na sumasaklaw hanggang Disyembre 31, dahilan upang lumabas sa opisyal na rekord na ang pondo ay nagastos sa loob ng 11 araw.
“Ang sinasabi naming 11 days ay batay sa opisyal na rekord,” paglilinaw ni Chua.
Bahagi ang Article I ng inaprubahang impeachment complaint ng Kamara na nag-aakusa kay Vice President Duterte ng umano’y maling paggamit at iregular na liquidation ng kabuuang P612.5 milyong confidential funds ng OVP at Department of Education (DepEd).
Nauna nang tumestigo si Madriaga sa pagdinig ng Kamara na umano’y naipamahagi ang buong halaga sa loob lamang ng isang araw—isang pahayag na magkakaroon ng pagkakataong kuwestiyunin ng depensa kapag siya ay humarap sa Senate impeachment trial.
Sinabi rin ni Chua na inaasahan ng prosekusyon na sasailalim si Madriaga sa masusing cross-examination, kaya patuloy nilang sinusuri ang kanyang testimonya bago ito iharap sa korte.
“Kapag naipresenta siya, tiyak na sasailalim siya sa cross-examination.
Kaya nga may pagkakataon tayong masusing suriin ang mga testigo at alamin kung kailangan pa bang gamitin ang kanilang mga pahayag,” dagdag pa ni Chua.

