Calendar
Pag-upa ng hitman galing mismo sa bibig ni VP Sara — Tolosa
SINABI ni private counsel Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na mismong sa bibig ni Vice President Sara Duterte nanggaling na mayroon siyang inupahang mamamatay tao para itumba sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos. Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Iginigiit ng House prosecution panel na ang mismong mga pampublikong pahayag ni VP Sara ang nagpapatunay na nakipagkasundo siya sa isang mamamatay-tao o assassin.
Ayon sa prosekusyon, hindi na ito isyu na dapat pang pagtalunan habang ipinahiwatig din nitong maglalahad ng mga bagong impormasyon si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa kanyang pagtestigo sa Senate impeachment court.
Ito rin ang sinabi ni Atty. Tolosa nang tanungin kung sasagutin ni Matibag ang mga isyung lumitaw sa impeachment trial tungkol sa kung may ebidensiyang nagpapatunay na may taong inupahan upang isakatuparan ang umano’y banta ni Duterte laban kina Pangulong Marcos Jr., FL Marcos at dating Speaker Romualdez.
Ang paninindigan ng prosekusyon ay nakabatay sa itinuturing nitong pag-amin mismo ng Bise Presidente na nakipagkasundo na siya sa isang assassin.
“Ano ang batayan? Ang admission against interest ng mismong Bise Presidente. Muli, sa ilalim ng rules on evidence, isa ito sa pinakamataas na uri ng ebidensiya,” aniya.
Itinuro rin ni Tolosa na hindi binawi o itinanggi ni Duterte ang kanyang mga pahayag nang magkaroon siya ng pagkakataong gawin ito makalipas ang ilang araw.
“Tatlong araw pagkatapos, nang mabigyan siya ng pagkakataong ituwid ang kanyang pahayag, bawiin ito, o sabihing biro lamang iyon, hindi niya ginawa. Sa halip, lalo pa niya itong ipinagtanggol,” ani Tolosa.
Sinabi pa nito na ang paghihiganti mula sa hukay ay hindi isang krimen.

