Barbers

Ex-Rep. Barbers kinondena aksyon ng CCG

Mar Rodriguez Jul 20, 2026
83 Views

KINONDENA ni dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang marahas na aksyon ng China Coast Guard (CCG) laban sa mga tauhan ng Philippine Navy na nagsasagawa ng isang regular na misyon malapit sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Barbers, ang iniulat na paggamit ng mga kahoy na pamalo laban sa mga sundalong Pilipino na sakay ng isang rubber boat ay nakagigimbal at walang-ingat na gawa ng agresyon na nagbanta sa buhay ng mga tauhan na lumabag sa kinikilalang pamantayan ng pag-uugali sa karagatan at lalo pang nagpalala ng tensyon sa rehiyon.

“Ang iniulat na pananakit sa ating mga tauhan ng Philippine Navy ay isang paglapastangan sa sambayanang Pilipino at isang hayagang pagtatangka na takutin ang ating mga sundalo upang pigilan silang gampanan ang kanilang lehitimong tungkulin sa mga lugar kung saan iginiit ng Pilipinas ang kanyang mga karapatan at interes,” sabi ni Barbers.

Ang insidente ay patunay ng patuloy na padron ng pamimilit at pananakot na nagbabanta sa kapayapaan at katatagan sa West Philippine Sea.

“Walang responsableng bansa ang dapat magparaya sa paggamit ng dahas, pananakot, o mapanganib na maniobra laban sa mga tauhang nagsasagawa ng mapayapa at lehitimong operasyon ng pamahalaan.

Ang mga ganitong hakbang ay lalo lamang nagpapalalim ng kawalan ng tiwala, nagpapataas ng tensyon sa rehiyon, at sumisira sa mga pagsisikap na maresolba ang mga sigalot sa mapayapang paraan,” dagdag ni Barbers.

Nanawagan din si Barbers sa pamahalaan na gamitin ang lahat ng umiiral na diplomatiko at legal na hakbang, magsampa ng matinding protesta laban sa iniulat na insidente, at makipagtulungan sa mga kaalyado at katuwang na bansa upang mapanatili ang isang “rules-based international order.”