Martin1

Romualdez walang balak umalis ng bansa -Atty. Atienza

Mar Rodriguez Jul 20, 2026
74 Views

BINIGYANG-DIIN ng tagapagsalita ni dating House Speaker at kasalukuyang Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez na wala itong plano na umalis ng bansa at haharapin nito ang reklamong inihain laban sa kanya sa Office of the Ombudsman sa sandaling pormal itong maipadala sa kanya.

Ito ang ipinahayag ni Atty. Elaine A. Atienza na nananatili sa Pilipinas ang dating Speaker at handang humarap sa mga pagdinig ng Office of the Ombudsman kapag natanggap na niya ang reklamo.

“Mariin naming itinatanggi ang anumang pahiwatig na sinusubukan ni Rep. Romualdez na umiwas sa proseso ng batas. Uulitin po namin: kailanman ay hindi nagtago si Rep. Romualdez,” ani Atienza.

“Hinarap niya ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), at haharapin din niya ang Office of the Ombudsman. Nasa bansa siya at mananatili rito hanggang sa malinis niya ang kanyang pangalan

Pagbibigay-diin pa ni Atienza na mismong ang Ombudsman ang nagsabing ang usapin ay nasa yugto pa lamang ng preliminary investigation at hindi pa ito nangangahulugang napatunayang may pananagutan si Romualdez.

“Mismong ang Office of the Ombudsman ang malinaw na nagsabi ngayon na si Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez ay hindi pa nahahatulan sa anumang paglabag, wala pang kasong kriminal na naisampa laban sa kanya sa Sandiganbayan, at hindi pa siya nabibigyan ng pagkakataong sagutin ang mga paratang laban sa kanya,” ani Atty. Atienza.

“Ang inanunsyo ay tumutukoy lamang sa pagsisimula ng preliminary investigation, kung saan binibigyan ang mga respondent ng pagkakataong ihayag ang kanilang panig, at nananatiling ganap na umiiral ang konstitusyonal na presumption of innocence,” ang pahayag pa nito.

Ayon pa kay Atienza, hindi pa pormal na naipapadala kay Romualdez ang kopya ng reklamo, ngunit agad nila itong sasagutin kapag natanggap na.

“Hindi pa pormal na naipapadala kay Rep. Romualdez ang kopya ng reklamo. Kapag natanggap na namin ito, sasagutin po namin ito nang buo,” ayon sa kaniya.

Iginiit din ni Atienza na ang legal na proseso ay dapat umusad batay sa ebidensiya at hindi sa mga paratang na inilalabas sa publiko.

“Ang batas ay hindi sumusunod sa ingay ng akusasyon. Sumusunod ito sa bigat ng ebidensya. Iginagalang namin ang lahat ng legal na proseso. Kaya naniniwala kami na ang usaping ito ay dapat resolbahin sa tamang legal na forum, alinsunod sa itinakda ng batas, matapos marinig ang panig ng magkabilang panig,” aniya.

Sa huli, sinabi ni Atienza na nananatiling kumpiyansa si Romualdez na malilinis niya ang kanyang pangalan kapag nasuri nang patas ang mga katotohanan at ebidensiya.

“Naniniwala kami na kapag nasuri nang obhetibo ang mga pangyayari at naipailalim sa proseso ng batas ang mga ebidensiya, mapapawalang-sala at malilinis ni Rep. Romualdez ang kanyang pangalan,” pagtatapos ni Atienza.