Sotto

Sotto kay Cayetano: Wala akong 4 years ng law pero 29 taon na akong gako ng batas

81 Views

BINANGGIT ni Senator-judge Vicente “Tito” Sotto III ang kanyang 29 taong karanasan sa paggawa ng batas matapos sabihin ni Sen. Alan Peter Cayetano ang isang pahayag tungkol sa pakikipagtalo sa usaping legal sa isang hindi abogado sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

“I do not have four years of law, but I have 29 years of lawmaking,” sabi ni Sotto.

Nagsimula ang palitan matapos magbigay ng manifestation si Sen. Robinhood Padilla tungkol sa kanyang tugon sa obstruction of justice complaint sa Office of the Ombudsman.

Sinabi ni Padilla na usapin ito ng due process at integridad ng korte.

“Kailangan may due process. ‘Yun pong nangyari sa akin na ako po ay nahusgahan na kaagad bilang Senator Judge ang pinaglalaban po natin integridad ng Korte na ito at ng mga Senator Judge,” aniya.

Tumutol si Sen. Erwin Tulfo sa paggamit ng oras ng paglilitis sa mga usaping walang kaugnayan sa mga paratang laban kay Duterte.

Sinabi naman ni Cayetano na mahalaga pa rin sa proceedings ang integridad ng mga senator-judge.

“I’m happy I finally heard Senator-Judge Erwin Tulfo is concerned about the justice or injustice to Vice-President Sara. That’s good news,” sinabi ni Cayetano.

Nilinaw ni Cayetano na pantay ang mga abogado at hindi abogadong senator-judge, ngunit dapat aniyang tama ang paggamit sa mga legal na termino.

Kinuwestiyon niya ang sinabi ni Tulfo na tungkulin ng korte na linisin o usigin si Duterte.

“It’s our job to try and to decide. It’s the prosecution’s job to try to prosecute. And it’s the defense’s job to convince na wala. Our job is to try and to decide,” sinabi ni Cayetano.

Kinuwestiyon naman ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang interpretasyon ni Cayetano sa Rule 6 ng impeachment rules.

Ayon kay Cayetano, maaaring gamitin nang suppletory sa impeachment court ang Senate rules tungkol sa personal at collective privilege.

Pero sinabi ni Pangilinan na tumutukoy ang probisyon sa ebidensya at mga pasya rito, hindi sa privilege speeches.

Nagpasya si Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na manatili sa impeachment record ang manifestation ni Padilla.

Binanggit niya ang precedent na kinasasangkutan ng yumaong dating Senador Rene Cayetano na nanatili sa rekord ang manifestation nito sa isang naunang impeachment proceeding ngunit ini-refer sa Senado bilang legislative body.

Sinabi ni Escudero na maaaring ilahad ng mga senador ang kanilang mga personal na reklamo at ang mga paratang laban sa kanila kapag nagbalik ang regular na sesyon ng Senado matapos ang State of the Nation Address ng Pangulo.

Tinanggap ni Alan Peter Cayetano ang pasya at sinabing hindi na niya itutuloy ang isa pa niyang argumento kaugnay ng Rule 6.

Itinuwid din niya ang nauna niyang sinabi tungkol sa tugon ni Padilla. Stamped aniya ang dokumento at hindi ipinadala sa pamamagitan ng registered mail.

Hinimok ni Senate President Sherwin Gatchalian ang mga miyembro na ingatan ang oras ng korte dahil ikapitong araw pa lamang ng proceedings.

“Bawat oras, bawat segundo ay napakahalaga,” sinabi ni Gatchalian.