Diokno

Diokno: May valid na dahilan; buuin muna ebidensya bago magpasya

68 Views

IGINIIT ni House prosecutor Chel Diokno na may valid na dahilan ang prosekusyon sa paghingi ng mga financial record kaugnay ng unexplained-wealth allegation laban kay Vice President Sara Duterte.

“Gusto lang po naming mailatag ang ebidensya,” sinabi ni Diokno sa Senate impeachment court.

Ginawa ni Diokno ang pahayag habang kinukuwestiyon ni Sen.-Judge Alan Peter Cayetano ang batayan at lawak ng mga dokumentong hinihingi ng prosekusyon.

Iginiit ni defense lawyer Michael Poa na hindi maaaring basta humingi ng mga dokumentong sumasaklaw sa halos 20 taon nang walang sapat na dahilan.

Ayon kay Diokno, kailangan ang mga rekord upang maihambing ang sinasabing yaman sa mga lehitimong pinagkukunan ng kita ng Bise Presidente.

Punto ni Diokno, hindi mabubuo ng prosekusyon ang ebidensyang nais nitong iharap kung hindi nito makukuha ang mga dokumentong may kaugnayan sa alegasyon.

Tinanggihan din niya ang argumentong fishing expedition ang kahilingan.

Hindi basta naghahanap ng posibleng ebidensya ang prosekusyon dahil natukoy nito ang mga rekord na hinihingi at ipinaliwanag ang kaugnayan ng mga iyon sa alegasyon.

Iginiit niyang partikular na mga dokumento lamang ang hinihingi at hindi walang limitasyong access sa lahat ng financial information ni Duterte.

Hindi rin sinang-ayunan ni Diokno ang pananaw na kailangang maipakita muna ang isang partikular na krimen bago humingi ng mga dokumento.

Ang betrayal of public trust ay hiwalay na batayan ng impeachment sa ilalim ng Konstitusyon. Posisyon ng prosekusyon na dapat suriin ng mga senator-judge kung ang mga alegadong kilos ay lumabag sa tiwalang kaakibat ng tungkulin ng Bise Presidente.

Katwiran din ni Diokno, kung maaaring atasan ng Sandiganbayan ang Anti-Money Laundering Council na magsumite ng mga dokumentong kailangan sa isang kaso, maaari ring humingi ang impeachment court ng mga rekord na may kaugnayan sa usaping dinidinig nito.

Binanggit din ni Diokno ang isang desisyon ng Korte Suprema kung saan hindi sinang-ayunan ng hukuman ang pananaw na fishing expedition lamang ang pagsusuri sa mga bank account sa isang unexplained-wealth case.

Nilinaw niyang hindi awtomatikong magiging ebidensya ang lahat ng rekord na makukuha sa pamamagitan ng subpoena.

Maaari pa ring tumutol ang depensa kapag tinukoy na ng isang testigo ang dokumento at pormal itong inialok bilang ebidensya.

Iginiit naman ng depensa na hindi awtomatikong inaalis ng impeachment ang mga proteksyong ibinibigay ng batas sa bank deposits, tax information at AMLC records.

Kailangang pagpasyahan ng mga senator-judge kung sapat ang dahilan at legal na batayan ng kahilingan ng prosekusyon.