Madrona2

Madrona ikinagalak ang paglilinis ng mga Discaya sa kaniyang pangalan sa flood control issue

Mar Rodriguez Nov 16, 2025
410 Views

I FELT vindicated”

Ganito ang naramdaman ni Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona matapos linawin ng mag-asawang Sarah at Pacifico “Curlee” Discaya ang pangalan ng mga kongresistang “nadamay lamang” sa eskandalo kaugnay sa multi-bilyon pisong flood control projects.

Kasama ang pangalan ni Madrona sa mga idinawit sa flood control project scandal subalit napatunayan na wala itong naging kaugnayan sa naturang kontrobersiya.

Habang kabilang din sa listahan ng mga mambabatas na nadamay lamang sina Reps. Benjamin Agarao ng Laguna, Florencio Gabriel Noel, Marcelino Teodoro ng Marikina City, Florida Robes ng Bulacan, Nicanor Briones ng Manila, Juan Carlos Atayde ng Quezon City, Reynante Arrogancia ng Quezon, Teodorico Haresco, Antonieta Yudela at Leody Tarriela.

Para kay Madrona, ang ginawang paglilinaw ng mag-asawang Discaya sa ginanap na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ay pagbibigay sa kaniya ng hustisya.

Binigyang diin ng beteranong kongresista na sa loob ng mahabang panahon ng kaniyang panunungkulan sa Kamara de Representantes. Kahit minsan aniya ay hindi pa nadawit ang kaniyang pangalan sa katiwalian.

“I have been a congressman for many, many years. Pero kahit minsan ay never pa akong nadawit sa anomang katiwalian, never na dinungisan ko ang aking reputasyon bilang isang legislator. Kaya ito ay pagbibigay sa akin ng justice dahil never akong na-involve sa scandal ng flood control,” wika ni Madrona.

Nauna nang pinalagan at pinasinungalingan ni Madrona ang dating testimonya ni Curlee Discaya sa nakalipas na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kung saan pinangalanan nito ang mambabatas na di-umano’y tumatanggap ng kickback para makopo ng kanilang kompanya ang kontrata para sa flood control projects sa Distrito ni Madrona (Romblon).

Magugunitang mariing ipinahayag ni Madrona na imposible umano ang pinagsasabi ni Discaya sa nasabing Senate investigation dahil lahat ng proyekto sa kaniyang distrito ay dumadaan sa tamang proseso sa pamamagitan ng pagsasagawa ng bidding.

Dahil dito, muling iginiit ni Madrona na walang kakayahan at kapasidad ang mga kongresista na ipatigil o ipa-terminate ang kontrata na na-award na sa kompanya ng mag-asawang Discaya sapagkat malinaw na ito ay magiging labag sa alituntunin ng batas.

“Lumalabas na ang lahat ng mga sinabi ni Curlee Discaya sa Senate investigation ay puro kasinungalingan. Uulitin ko, kahit minsan ay hindi pa nadawit ang aking pangalan sa anomang katiwalian. I felt vindicated dito sa pagkakalinaw na ito. Talagang makikita na malinis ang aking pangalan,” ayon pa kay Madrona.