Fake

PNP lalabanan pagkalat ng fake news sa 3 araw na rally

346 Views

PALALAKASIN ng Anti-Cybercrime Group ang online monitoring ng mga social media content upang maiwasan ang pagpapakalat ng pekeng balita sa tatlong araw na assemblies laban sa korapsiyon na nagsimula nitong Linggo.

Ayon kay acting Philippine National Police (PNP) Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang direktiba ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa pamamagitan ni Interior Secretary Jonvic Remulla, na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan habang tinitiyak na ligtas ang mga aktibidad sa online at sa aktwal na lugar.

Sa isang pahayag, sinabi ni Nartatez na bagama’t iginagalang ng PNP ang kalayaan sa pagpapahayag at karapatang magpahayag ng hinaing, hindi saklaw nito ang pagpo-post ng mga gawa-gawang paratang na layong linlangin ang publiko.

“The presence of your PNP will not only be in the assembly areas and on the roads, but also on cyberspace in order to run after those who would dare to take advantage of this situation to mislead the public through fake news and fabricated claims,” sinabi ni Nartatez.

Noong Sabado, natukoy ng PNP ang mga maling post na nagsasabing may pagdagsa ng tao at posibleng kaguluhan sa Chino Roces Bridge area sa Maynila.

Paulit-ulit itong pinabulaanan ng ground units.

Nagbabala si Nartatez na may ilang online actors na tila sinasadyang magpakalat ng tensiyon, at may paunang palatandaan ng coordinated o bot-generated posts na kasalukuyang bineberipika.

Tiniyak niya na nakatuon lamang ang monitoring sa misinformation, hindi sa lehitimong dissent.

Dahil inaasahang mahigit 100,000 katao ang dadalo sa tatlong araw na protesta ng Iglesia ni Cristo sa Quirino Grandstand sa Maynila, nanawagan si Nartatez sa publiko na beripikahin muna ang impormasyon bago ibahagi at umasa sa opisyal na update ng PNP upang maiwasan ang pag-uudyok ng unnecessary panic. Philippine News Agency