Madrona

Madrona sa Kamara: Karampatang budget  ibigay sa DOT upang turismo makabangon

Mar Rodriguez Sep 7, 2022
215 Views

HINIHILING ngayon ng isang beternanong kongresista sa liderato ng Kamara de Representantes na bigyan nito ng konsiderasyon ang Department of Tourism (DOT) kaugnay sa budget na hinihingi ng nasabing ahensiya para sa susunod na taon (2023)

Sa panayam ng People’s Taliba kay Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus F. Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, sinabi nito na napakaliit lamang aniya ang budget na ibinigay ng Kongreso para sa DOT para sa susunod na taon.

Nabatid kay Madrona na P3.2 bilyon lamang ang ibinigay na alokasyon ng Mababang Kapulungan para sa 2023 budget ng nasabing ahensiya kumpara sa P12.4 bilyon na nire-request nila. Sa gitna ng malaking dagok na idinulot ng COVID-19 pandemic sa turismo ng bansa.

“Ang nakaka-awa, napakaliit ang naging budget lang ng turismo na nagkakahalaga lamang ng P3.2 billion compared duon sa P12.4 billion na request nila. So walang halos infrastructure at ito nga ang aming pinagde-debatihan sa Kongreso,” ayon kay Madrona.

Binanggit din ni Madrona ang naging pahayag mismo ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na dalawang bagay lamang ang inaasahan niyang makakatulong upang maibangon muli ang ekonomiya ng bansa. Ito ay ang build-build-build projects at turismo.

Kung kaya’t iginigiit ng Romblon solon na mistulang hindi makatarungan na “baratin o tipirin” ang budget ng DOT para sa taong 2023 matapos ang naging pahayag mismo ng Pangulo sapagkat hindi aniya maitatanggi na malaki ang kinikita ng gobyerno mula sa turismo ng bansa.

“Ang sabi ng ating Pangulong Bongbong Marcos, dalawa lamang ang kaniyang inaasahan na maging driver ng economic development or renewal. Ito ay ang build-build-build at tourism, kaso mo ang build-build-build bilyon ang kaniyang budget na nasa P700 billion, pero ang turismo nasa P3.2 bilyon na nagagamit pa lang sa promotions,” sabi pa ng kongresista.