Madrona

Madrona, umaasa na may dagdag na programa si PBBM para sa turismo sa kaniyang ikatlong SONA

Mar Rodriguez Jul 22, 2024
104 Views

𝗢𝗣𝗧𝗜𝗠𝗜𝗦𝗧𝗜𝗞𝗢 𝗮𝗻𝗴 c𝗵𝗮𝗶𝗿𝗺𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗛𝗼𝘂𝘀𝗲 𝗖𝗼𝗺𝗺𝗶𝘁𝘁𝗲𝗲 𝗼𝗻 𝗧𝗼𝘂𝗿𝗶𝘀𝗺 𝗻𝗮 𝘀𝗶 𝗥𝗼𝗺𝗯𝗹𝗼𝗻 𝗟𝗼𝗻𝗲 𝗗𝗶𝘀𝘁. 𝗖𝗼𝗻𝗴. 𝗘𝗹𝗲𝗮𝗻𝗱𝗿𝗼 𝗝𝗲𝘀𝘂𝘀 “𝗕𝘂𝗱𝗼𝘆” 𝗙. 𝗠𝗮𝗱𝗿𝗼𝗻𝗮 𝗻𝗮 𝗺𝗮𝗯𝗮𝗯𝗮𝗻𝗴𝗴𝗶𝘁 𝘀𝗮 𝗽𝗮𝗻𝗴𝗮𝘁𝗹𝗼𝗻𝗴 𝗦𝘁𝗮𝘁𝗲 𝗼𝗳 𝘁𝗵𝗲 𝗡𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻 𝗔𝗱𝗱𝗿𝗲𝘀𝘀 (𝗦𝗢𝗡𝗔) 𝗻𝗶 𝗣𝗿𝗲𝘀𝗶𝗱𝗲𝗻𝘁 𝗕𝗼𝗻𝗴𝗯𝗼𝗻𝗴 𝗥. 𝗠𝗮𝗿𝗰𝗼𝘀, 𝗝𝗿. 𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗴𝗹𝗮𝗹𝗮𝘁𝗮𝗴 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗸𝗮𝗿𝗮𝗴𝗱𝗮𝗴𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗿𝗼𝗴𝗮𝗿𝗮𝗺𝗮 𝗽𝗮𝗿𝗮 𝘀𝗮 𝗽𝗮𝗴𝗽𝗮𝗽𝗮𝘂𝗻𝗹𝗮𝗱 𝗻𝗴 𝗣𝗵𝗶𝗹𝗶𝗽𝗽𝗶𝗻𝗲 𝘁𝗼𝘂𝗿𝗶𝘀𝗺.

Ayon kay Madrona, umaasa siya na may mga nakahandang programa ang Pangulong Marcos, Jr. para sa mas lalo pang pagpapa-unlad ng turismo ng bansa para sa susunod na taon sa gitna ng napakalaking pakinabang na nakukuha ng gobyerno mula dito.

Dahil dito, muling binigyang diin ni Madrona na marahil ay nakikita din ng Punong Ehekutibo ang malaking potensiya na naibibigay ng Philippine tourism sa pamamagitan ng napakalaking ganansiya o kita na ipinapasok nito sa kaban ng pamahalaan.

Paliwanag ng kongresista, ang turismo ng Pilipinas ang nananatiling “economic driver” ng Philippine economy dahil sa napakalaking pera na naaambag nito sa pamamagitan ng mga dayuhang dumadagsa sa bansa para mamasyal o kaya’y magbakasyon.

Nauna ng kinatigan ni Madrona ang naging pahayag ni Department of Tourism (DOT) Sec. Maria Christina Garcia Frasco na ang turismo ng bansa ang nagsisilbing “bread and butter” ng Pilipinas bunsod ng malaking kita na naibibigay nito sa ating ekonomiya.

Sabi ni Madrona, pinatutunayan ito ng paglago ng domestic tourism expenditures na umabot ng 72.3% mula sa dating P1.55 trillion noong 2022.

Dagdag pa ng mambabatas, ganito rin ang lumabas sa Philippine Tourism Satellite Accounts (PTSA) at Tourism Statistics Dissemination Forum na lalong nagpapatunay na ang turismo ng Pilipinas ang nagsisbing “life line” ng pamahalaan dahil sa napakalaking pakinabang na naibibigay nito.